Sa EDSA, hatinggabi. Nakatutok ang lahat sa kani-kanilang radyo. "Dalawa ang radyo namin," kuwento ng isang manunulat, "isang shortwave at isang nakatutok sa Veritas. Buháy na naman ang Veritas, lihim na nagta-transmit mula sa isang istasyon na wala pang isang kilometro ang layo sa palasyong pugad ng kaaway. Alagaan nawa ng Diyos si Ketly (palayaw namin kay June). Patay siya pag nabisto kung nasaan siya."

Radyo Bandido ang tawag ni Keithley sa kanyang himpilan. Pinambungad niya ang "Mambo Magsaysay" na madalas patugtugin ng Veritas noong kampanya ni Cory. Mayroon lang siyang maliit na pamphlet tungkol sa civil disobedience, at phone patch o hotline sa opisina ni General Ramos.

Kasama ni June sina Paulo, 15, at Gabe, 13, mga anak nina Tony at Monina Mercado. Ang dalawang bata ang may hawak ng VHF transceiver link kay Fr. Reuter at kay General Ramos. On the air na si June nang dumating sina direk Peque Gallaga. Gulong-gulo si June; naninibago sa equipment. Minabuti nilang ilihim ang call sign at frequency ng istasyon upang hindi maalerto ang tropang Marcos. Nagbigay lang si June ng numero ng telepono na puwedeng tawagan ng mga tao.

"Nang natuklasan ng mga reporter na nasa Radyo Bandido si June Keithley," kuwento ni Orly Punzalan, "sunod-sunod ang tawag nila, sa kanya nagrereport ng mga pangyayari. Kawawang Keithley. Ni wala siyang mobile unit o crew. Meron lang siyang istasyon ng radyo at telepono."

Nakatanggap ng tawag si An Mercado, kapatid nina Gabe at Paolo. "Sabi nila," salaysay ni An, "nagbo-broadcast na uli si June Keithley. Maririnig daw ang 'Boses ng Katotohanan' sa 810 ng AM band. Mataray kong tinanong kung nasaan sila dahil alam kong nag-aalala ang nanay namin. Sabi ni Gabe hindi niya puwedeng sabihin. Sekreto raw."

Sa pamamagitan ng phone patch ng Radyo Bandido sa opisina ni Ramos naririnig ang heneral paminsan-minsan sa mga loudspeaker sa EDSA, kinakausap ang mga tropa niya at nanghihikayat. "Tatratuhin kayo nang maayos, uunawain at mamahalin," ani Ramos, pero ang hindi raw titiwalag ay paparusahan ng mabigat. Tinukoy din niya si Artemio Tadiar, kumander ng Marines. Ipinaalala niya kay Temy ang tungkulin niya, bilang Kristiyano, sa Diyos at sa kanyang kapwa.

"Napakasuwerte namin na naka-hook up kami nang ganoon sa Radyo Bandido," sabi ni Ramos. "Dahil doon, parang tuloy-tuloy ang momentum namin, parang hindi ito nabawasan kahit nawala na ang Veritas."

Sa Fort Bonifacio, pinag-iisipan pa rin ng mga istratehista ni Ver kung paano sila puwedeng magturok ng Marines sa Aguinaldo upang mula roon ay mabomba ng kanyon ang Crame. Naisip ni Brawner na ilipad ang Marines sa Crame lulan ng helicopter. Delikado, sabi ng iba, mas maigi kung sa lupa dadaan. Sa huli, inaprubahan ni Brawner ang mungkahi ni Natividad na gumamit ng CDC units na pangwalis sa mga tao na nakabarikada sa Libis upang makalusot ang Marines patungo sa Santolan at makapasok sa Aguinaldo.

Pinag-uusapan pa lang sa Fort Bonifacio, kumalat na agad sa Camp Crame at sa EDSA ang balitang gumagayak nang lumusob ang mga tropang loyalista. Bandang 1:00 ng umaga, nanawagan sa radyo si Cardinal Sin at ang iba pang obispong Katoliko, kumalembang ang mga kampana ng mga simbahan sa paligid ng Crame, at naglabasan sa mga kalsada ang mga residente. Libo-libong tao ang nagkampo magdamag sa labas ng himpilan ng Philippine Constabulary upang magsilbing panangga sa mga puwersang tapat kay Marcos. Iisa ang tanong nila ­ kailan talaga lulusob ang Marines? Maya't maya'y may kumakalat na chismis na parating na ang hukbo, maya't maya ay takbuhan ang mga tao upang pakapalin ang mga barikada na binubuo ng mga bus, mga gulong na umaapoy, at mga hanay ng bato at sandbag na kayang-kayang buwagin o gulungan ng mga tangke. Patuloy ang kantahan at pannaalangin ng mga tao sa harap ng mga pansamantalang altar, nagpapalakas ng loob. Itsurang Christmas tree ang main gate ng kampo na tinalian ng iba't ibang bandila, inilawan ng mga searchlight, at dinapuan ng mga tao. May mga sundalong palakad-lakad palibot ng gate, armado ng mga machine-gun at grenade launcher. Habang ang mga madre ay kumakanta at namimigay ng pagkain, tinuturuan ng mga sundalo ang mga sibilyan kung paano maghagis ng bombang pertrolyo. Ayaw sabihin ng mga rebelde militar ang bilang nila pero tinatantiya ito na nasa isang libong (1,000) opisyales.
 


Pagbalik ni Freddie Aguilar sa Crame, nandoon pa rin iyong mga madre. "Sila pa rin. Nagbibigay ng inspirational talk, kumakanta ng inspirational song. Hindi talaga umaalis doon 'yong mga madre at pari at seminarista. Grabe talaga. Solid na solid." Nag-set up ang banda ni Freddie at nagtugtugan na. Nagising sa rock 'n' roll yung mga taong aantok-antok. "Ang daming kamera! Para may ilaw, tinutukan kami ng flashlight ng mga tao. Ibang klase talaga!"

Sa Radyo Bandido sunod-sunod ang balita tungkol sa mga sundalong tumitiwalag at sumasama na sa mga rebelde. Tuwing mauubusan ng masasabi si Ketly, o sobra ang tensiyon, pinapatugtog niya ang gasgas nang "Mambo Magsaysay" at, paminsan-minsan, ang "Bayan Ko."

Sa gusaling kinaroroonan niya, sa pusod mismo ng siyudad, nangangatog sa takot si June. Aniya sa transceiver: "Anim lang kami dito, tatlong lalaki at tatlong babae! Ang liit-liit nitong lugar, iisa ang pinto! 'Pag nakapasok dito ang militar, wala kaming takas! Sa bintana lang kami makakadaan, e ang pinakamalapit na pasamano ay apat na palapag ang layo!"

Ngunit hindi sila nahanap ng mga instrumento nina Ver, tila malapit daw kasi masyado ang gusali sa Malakanyang. Kung tutuusin, mas mataas pa ang tore ng Radyo Bandido kaysa Palasyo; kayang-kaya sanang bombahin ng mga helicopter ni Ver.

Nang malaman ni Monina Mercado kung nasaan ang mga anak niya, agad siyang tumawag kay Fr. Reuter. "Puwede ko bang bawiin ang mga anak ko? Nanganganib ang buhay nila!" Sagot ni Reuter: "Bigyan mo sila ng pagkakataon na maging bayani!"

Sa Crame War Room, 2:03 ng umaga, nagsindi ng tabako si Ramos at pagkatapos ay inireport sa mga bisita niyang mga foreign correspondent na may kadarating na Huey helicopter, may lulang mga piloto ng Air Force na sumama na sa mga rebelde. Sa kanyang mesang kamagong, may libro ni Dred Schwarz, You Can Trust the Communists (To Be Communists), isang Bibliya na nakabukas sa Psalm 91, at isang lumang isyu ng Asiaweek na litrato niya ang nasa pabalat. (Walang ibang ulat o nag-ulat tungkol sa Huey helicopter at airforce pilots. Maaaring nagyayabang lang noon si Ramos, nais ipahiwatig na lumalakas ang hanay ng mga rebelde.)

Dahil sa napipintong paglusob ng kaaway, pinawakasan na kay Freddie ang yugyugan sa Santolan Gate. "Bago ko kinanta ang 'Bayan Ko,' kinausap ko muna ang mga tao. Inulit ko 'yung sinasabi ng mga pari at madre na magkaisa, huwag gagamit ng dahas, huwag manunukso o mantutuya ng kaaway. Hindi kasi maiiwasan, baka meron d'yang may dalang baril, paano kung may biglang magpaputok, e di naloko na tayong lahat. Hindi naman sa duwag tayo, pero bakit tayo magpapatayan?"

Alas-tres (3:00) ng umaga sa Fort Bonifacio. Inutusan ni Ramas si Tadiar na maghanda ng dalawang batalyon ng Marines. Muling pinagpilian ni Tadiar ang mahinahong si Balbas at ang masigasig na si Reyes para mamuno sa mga tropa. Pagod pa si Balbas, kababalik galing sa pagpapatrol sa palibot ng Aguinaldo at Crame, kayâ minabuti ni Tadiar na si Reyes naman ang palakarin. Subalit nang dumating ang sandali para mag-utos siya, pangalan ni Balbas ang nasambit ni Tadiar.

Mas mabigat kaysa kahapon ang armor ­ tatlong LVTH at tatlong V-150 ­ ng 4th Marine regiment ni Balbas na kasunod ng Crowd Disperal and Control battalions ng Army. Bago dumating sa Ortigas, kakanan ang hanay papuntang Rodriguez Street patungong Libis at Santolan, at papasok sa main gate ng Logistics Command (LogCom) ng Aguinaldo.

Sa Camp Crame, sinabi ni Ramos sa isang umpukan ng mga peryodista na madaling-araw niya inaasahang lumusob ang mga loyalista galing Libis na dadalawang kilometro ang layo. Sa radyo, nakiusap siya sa mga tao na salubungin ang puwersang Marcos-Ver.

Bandang 3:00 din ng umaga sa Washington, D.C., dumating ang balita ni Bosworth galing Maynila na inaasahang madaling-araw kikilos ang puwersa ni Ver. Oras na upang bitiwan ng Amerika si Marcos; kailangan nang magdesisyon si Reagan. Nag-aapurang pinulong ni Shultz ang National Security Planning Group. Nagkasundo sila na dapat sumulat si Reagan kay Marcos at tuwiran itong pagbitiwin sa tungkulin. Sasamahan ni Habib si Laxalt upang personal na ihatid ang liham kay Marcos at upang makialam sa paglilipat-kamay ng gobyerno.

Paakyat sa himpilan ng Radyo Bandido sa Sta. Mesa, Manila, naniwala si Monina Mercado na pinapatnubayan ng Diyos at ng tadhana ang bayang Pilipino. Nagsiksikan ang mga madre ­ may nakaupo, may nakaluhod, nagrorosaryo ­ sa bawat baitang ng pilipit na hagdan paakyat sa kinaroonan nina Keithley. Iisa ang lalaki, si Ariston Estrada, propesor sa La Salle. Imposibleng malusob kahit ng isang batalyon ng sundalo ang himpilan nang hindi malulunod sa dugo ng mga martir.

Halos wala ring tulog si Cory. "Kahit mahiga ako at pumikit, hindi ako makatulog. Siguro dahil sa sobrang taas ng adrenalin ko, kayâ rin hindi ko namalayan ang oras. Patong-patong ang mga pangyayari. 'Yung ngayong araw nagiging bukas nang ganoon na lang."

Alas-tres y medya (3:30) ng umaga sa Crame War Room. Pasok-labas ang mga opisyal ng militar. Halos walang malakaran sa dami ng tao, kamera, at Armalite na nagkalat. Maugong ang balitang paglusob. Umaagos ang kape. Ninerbiyos ang lahat nang nabalitang may tatlong tangke sa Santolan; nagsugo ng plainclothesmen si Ramos upang patotohanan ang balita. Basâ ng pawis si Ramos na katatapos mag-jogging. Si Minister Enrile naman ay nakatutok sa isyu ng Inquirer habang humahanap ng magandang anggulo ang photographer na si Melvyn Calderon. Tatlong doktor ang tahimik na nakaupo sa likod ni Enrile. Imahen ng Birheng Maria ang nakatanod sa likod ni Ramos.

Pasado 3:30 ng umaga sa Radyo Bandido, nagbabala si Enrile na may dalawang APC na papalapit sa Ortigas. Nakita raw ito ng isang tanod sa itaas ng V.V. Soliven building. Muli, naghanda ang mga tao sa barikada. Mabilis na natungga ang isang bote ng vodka. Lumuhod ang mga madre sa harap at nagsimulang manalangin. Paratíng ang mga APC, oras na naman upang magwagayway ng bandila, magkapit-bisig, magdasal. Muli, noong kaharap na ng mga APC ang mga tao, tumigil ang mga APC, nag-atubili, nagdahilan, umatras, umikot, at umalis. Minsan pa, mahibang-hibang ang mga tao sa galak. (Hindi malinaw kung aling tropa ito na napaatras ng mga tao. Maaaring advance party ng anti-riot police na papuntang Libis, nagbabaka-sakali na makakakanan na sila sa Ortigas.)

Sa Gate Two, biglang sabay-sabay na nagkasahan ng baril ang mga sundalo, dinig na dinig ni Freddie Aguilar. "Sabi ko, ano 'to? Giyera na? 'Tapos, ang tagal, nakabitin kami, hindi mo malaman kung magkakaputukan o hindi. Ang maririnig mo lang, 'yung kasahan, ganoon. Ang pakiramdam ko, parang nasa sine ako na grabe ang suspense."

Sa Libis, Santolan, walang masyadong nag-uusap 'pagka't ramdam ng lahat na may nagbabantang panganib. Pangiti-ngiti lang ang mga tao, patawa-tawa kung minsan, pero walang naghahalakhakan. Nakaupo sa dilim si Wawel Mercado, isang estudyante, nakikinig sa isang grupong taga-Tondo na umaawit ng mga kundiman. Noon lang niya narinig ang mga awit na iyon na ubod ng lungkot. Buong gabi ang awitan. Tila taal sa Pilipino ang pag-awit, pampalipas ng oras, pampalakas ng loob.

Alas-kuwatro katorse (4:14) ng umaga nang umalis sa Fort Bonifacio ang pangkat ni Balbas. Mas mabilis ang kilos nila kaysa kahapon.

Sa White House (bandang 4:30 ng umaga sa Maynila) sa wakas ay tanggap na ni Reagan na tapós na si Marcos. Gayunman, ayaw niya itong tawagan sa telepono o padalhan ng personal na liham. Idiniin niya sa National Security Council na dapat maging maingat ang pakikitungo kay Marcos. Dapat ay pakiusapan ito, hindi utusan, na umalis. Hindi rin daw siya papayag na gawin kay Marcos ang ginawa ng administrasyong Carter sa Shah ng Iran. Iginiit niya na bukás ang pinto ng Amerika kay Marcos. Noon din, tinawagan ni Shultz si Bosworth sa Maynila at inutusan itong iparating kay Marcos na tapos na ang oras niya at tutulong ang Amerika upang maging matahimik at maayos ang paglilipat-kamay ng pamahalaan.

Alas-kuwatro kuwarenta (4:40) ng umaga sa Crame War Room. Aliw na aliw si Ramos sa katatanggap niyang report. "Magandang balita," aniya, "lahat ay sumasama na sa atin!" Sumama na raw si retired Brigadier General Guillermo Picache, commissioner ng National Pollution Control, dahil "napakaraming polusyon ng gobyernong Marcos." Tawanan at hiyawan ang mga nakikinig. Isa pang magandang balita: ang tatlong tangke na nakita sa Santolan ay mga trak pala ng basura. "Makahulugan ito," ani Ramos, "wala din tayong nahihita sa gobyerno nitong mga huling taon kundi basura."

Ngunit mabilis napawi ang kasiyahan ng mga rebelde. Sa Radyo Bandido, sinabi ni Keithley na katatanggap niya ng impormasyon buhat sa isang taga-Fort Bonifacio na kumilos na ang puwersa ni Ver at patungo na sa Crame.

Alas-singko (5:00) ng umaga, sumahimpapawid si Ramos at nakiusap na suportahan sila ng mas marami pang tao. Aniya, kulang na kulang ang depensa ng Crame sa harap ng higanteng puwersa na paratíng. Nakiusap din siya na ipaalám ng mga radio broadcaster sa mundo na si Marcos ang may pakana sa nagbabantang karahasan at terorismo sa kampo ng mga rebelde. "Nakiusap din ako sa lahat ng tao na hindi taga-headquarters na humanap na ng mas ligtas na lugar," kuwento ni Ramos. "Idiniin ko sa mga dayuhang peryodista na hindi namin magagarantiyahan ang kaligtasan nila."

Ayon kay Keithley, na binansagang "Heneral" ni Ramos, dadaan ang mga terorista sa likod ng Aguinaldo. Parang pinagpapawisan ng dugo si Ketly. "Magkakapatid tayo," sabi niyang paulit-ulit sa mga tropang loyalista. Ipinaalala niya na hindi armado ang mga sibilyan. Nagsalita ring magkasunod ang mga bandidong Ramos at Enrile, inulit ang paanyaya nila sa mga loyalista na ilapag ang armas nila. Sa mga tao, nagbigay sila ng mga tip kung anong maiging gawin kung sakaling may magpasabog ng teargas.

Sa EDSA, mas marami nang mga maralita kaysa mga maykaya. Medyo naiilang ang mga maykaya, pero anong magagawa nila. Ang mga maralitang tagalunsod ang nagpaparami at nagpapalakas sa hanay ng People Power na nagtatanggol sa mga rebelde. Piling-pilî naman ang mga puwesto ng militanteng masa. Nagkawayan ang mga bandera ng kanilang mga organisasyon kung saan-saan sa EDSA, sa Santolan, sa Cubao, pati sa mga intersection patungo sa Palasyo. Mga bandera ng Kasapi, Bandila, ATOM, BAYAN, Nationalist Alliance, at GABRIELA na kakampay-kampay sa hangin, parang mga bulaklak ng gabi.
Bandang 5:00 ng umaga sa Santolan, sa tagiliran ng Camp Aguinaldo. Nagsisimulang gumapang ang liwanag sa kalangitan nang ipahayag ng Radyo Bandido na parating na ang mga tropa ni Marcos. Umalingangaw sa palibot ang boses ng announcer, nakikiusap sa mga tao: "Ilawan ninyo ng flashlight ang mga mukha ninyo at ipakita ang inyong pagmamahal at pagkahabag! Manalangin sa Birhen na kumalinga sa Pilipinas noong panahon ng Hapon! Patunugin ang mga kampana ng mga simbahan!" Makapal ang hanay ng mga tao, pero iisa ang sasakyang nakaharang sa kalsada.

Sa Crame War Room, naghahandang sumabak sa laban ang tropang rebelde. Nang patugtugin ni Keithley ang PMA song, nagtayuan ang mga sundalo at umawit, nangingilid ang luha sa mga mata. 'Tapos ay nagyakapan sila at nagpaalam sa isa't isa.

"Nagpaalam na kami sa mundo at sa kapwa," kuwento ni Ramos. "Naglabasan ang mga Bibliya, kanya-kanyang hanap ng paboritong sipi. Hinanap ko ang Psalm 91 na nakalaan sa pangangalaga ng mga sundalo. Naginhawahan naman kami."

Sa Malakanyang, katatanggap ni Marcos ng pasabi ni Reagan na dapat na siyang magbitiw. Galít na winalang-bahala ito ni Marcos. Lumabas uli siya sa TV at iginiit na siya pa rin ang masusunod. Nang-aagaw lang daw ng kapangyarihan sina Enrile at Ramos na ang gusto ay magtatag ng ruling junta na kabibilangan nina Jaime Cardinal Sin, Corazon Aquino, at isang negosyante. Malinaw daw na kasangkot sina Enrile at Ramos sa planong kudeta na gaganapin sana kahapon, samakatuwid, ang dalawa ay "guilty of rebellion and inciting to rebellion" na labag sa Konstitusyon kayâ nararapat silang parusahan. Kahit naniniwala raw siya na malulutas ang krisis sa maayos na paraan, ipatutupad pa rin niya ang batas. Aniya, "May sapat akong kapangyarihan sa ilalim ng Konstitusyon."

Nakatambay si Freddie Aguilar sa opisina nina Ramos at Enrile. "Merong radyo doon at dinig namin ang mga utos ni Marcos. Full assault na raw, by land and by air. Diyos ko, 'kako, eto na, lulusubin na kami! Nagkasahan na naman ng baril 'yung mga sundalo!"

Sa Fort Bonifacio, naghudyat sina Ver at Ramas ng all-out attack sa riot police, sa Marine artillery, sa mga helicopter gunship, at sa mga jet bomber. Naririnig si Marcos sa radyo, isinusumpang lilipulin ang mga rebelde. "Malinaw na nilalabag nila ang batas!" Tugon ni Enrile sa Radyo Bandido: "Hindi ako susuko!"
Sa Villamor Air Base, maagang pumasok ang mission order para sa 15th Strike Wing. Subók ang squadron sa combat sa Mindanao at siyang inaasahan ni Piccio para sa operations sa Aguinaldo at Crame. Ang order: magpalipad ang Wing ng dalawang gunship sa Fort Bonifacio. Saka lamang inihayag ni Sotelo sa kanyang mga tauhan ang balak niya na itakas ang buong squadron sa Crame at sumama sa mga rebelde. "Minsan lang tayo mamamatay. Bihirang pagkakataon ito na mamatay para sa bayan." Alas-singko kinse (5:15) ng umaga, binigyan ni Sotelo ng huling pagkakataong umatras ang sino man na nagdadalawang-isip. Walang umatras.

Buhat sa Washington, D.C., dumating ang banta na kung gagamit si Marcos ng dahas, puputulin ng Amerika ang lahat ng klaseng aid sa Pilipinas. Halatang desesperado na ang mga Kano. Natabunan na ang takot nila sa mga kalabang komunista sa kanayunan. Iyon nga lang, hulí na ang hirit nila.

Alas-singko kinse (5:15) din ng umaga, kauulat ng patalastas ng White House, nang may sumabog na teargas sa Libis, Santolan. Napaatras bahagya ang mga tao sa barikada, naghugas ng mata at nagtakip ng mukha. Sumulpot na parang multo ang mga sundalo ng mga special anti-riot unit, nangingintab ang mga itim na helmet at may suot na gas mask. Habang dini-disperse nila ng batuta at teargas ang mga tao, mabilis na nakalusot ang mga tropa ni Balbas, nakapasok sa Camp Aguinaldo, at nakaposisyon sa golf course paharap sa Camp Crame.

Nakikinig si Freddie Aguilar noon sa Walkman niya. Narinig niya si Keithley, nananawagan: "Kailangan pa natin ng maraming tao, tini-teargas ang mga kapatid natin!'"

Ngunit tila saglit lang naisantabi ng riot police ang barikada. Mas maraming ulat tungkol sa mga taong hindi natinag ng batuta at teargas. Sa halip ay inawitan ng mga tao ng Pambansang Awit at ipinagdasal at pinalakpakan ang mga loyalista. May mga kuwento na biglang umihip ang malakas na hangin na tumangay sa teargas pabalik sa mga sundalong loyalista, at 'di nagtagal ay sumama na sila sa mga Coryista. Palakpakan at hiyawan daw ang lahat, sabay yapusan ang mga sibilyan at sundalo.

Sa Crame War Room, natataranta na ang mga security aide ni Ramos. "Sabi namin kay General Ramos, 'pag tinira kami ng artillery o ng helicopter fire, kaming nasa ikatlong palapag ang unang tatamaan," kuwento ni Razon. "Niyaya namin siyang bumaba ng isang palapag, pero ayaw niya. Ang ginawa namin, nilagyan namin ng kumot na pambomba ang mesa niya. Ang plano ko, 'pag nag-umpisa ang putukan, itutulak ko siya sa ilalim ng mesa nang sa gayon, kahit bagsakan kami ng bomba, hindi siya tamaan ng shrapnel."

"May naghihintay din sa aming mga sundalo at apat na sasakyan sa likod ng Crame. Pag nilusob kami," ani Sembrano, "aatras kami papuntang Greenhills."

Alas-sais (6:00) ng umaga sa labas ng Crame War Room. Nakikinig ang mga reporter sa radyo. Nagsasalita si Cardinal Sin. "Nawa'y maging matahimik ang katatapusan ng krisis. Bebendisyunan ko ang mga sundalo, pero 'yong naghahangad lang ng kapayapaan." Natawa si San Andres, public information officer ni Ramos. "Okey na absolusyon, 'no?" Nag-aamen pa lang si Cardinal Sin nang tangkaing paalisin ng isang sundalo ang mga reporter. Walang pumansin sa sundalo. Maririnig sa malayo ang kagalkal ng mga helicopter na tila papalapit. Napatid ang usapan ng mga reporter.

"Eto na 'yung helicopter," kuwento ni Freddie, "naririnig ko na, palapit nang palapit, palakas nang palakas ang ingay ng makina."
"Magmamadaling-araw pa lang," kuwento ni Ramos, "halos wala ka pang makita sa kalangitan. Pero dinig na dinig ang alingawngaw ng mga helicopter na paratíng."

"'Yon ang nakakatakot," kuwento ni Sembrano, "noong dumating 'yung choppers. Ang utos sa amin, hindi kami ang unang magpapaputok, kaya alisto kami sa unang banat ng kaaway."

Limang gunship ang dala ni Sotelo, na cool na cool habang iniikot ng lead pilot, si Major Charles Hotchkiss, ang Crame.
Sa lupa, palakas nang palakas ang atungal ng mga helicopter. Nagsipagtago ang mga reporter. Napakagat ng labi ang mga sundalo, nagkasahan ng mga baril, pumosisyon. Mas marami ang kaaway at mas mabibigat ang sandata nila.

"Pinanood naming umikot sa kalangitan ang helicopter ni Sotelo," kuwento ni General Cruz. "Akala namin, nagmamatyag lang muna sila, at sa susunod na ikot, saka kami papuputukan. Ang takot namin! Una, mga tangke at Marines! Ngayon naman, Air Force! Akala namin ito na 'yong simula ng wakas! Sinabi ko sa mga tao na maghiwa-hiwalay sila at magtago!"

Sa ikalawang ikot, bumagal ang andar ng unang helicopter at nagsimulang lumapag.

"Naku, sabi ko, nagla-landing!" kuwento ni Freddie. "Lulusubin yata kamí by foot. Hinihintay ko na lang 'yung BANG! 'Yun na 'yun e. Alam kong uunahin 'yung building namin dahil nandoon sina Enrile at Ramos. Patay kami dito, ganoon ang nasa isip ko. 'Tapos, biglang may nagsigawan. Sigawan!"

Alas-sais bente (6:20) ng umaga lumapag sa parade grounds ng Camp Crame ang mga Sikorsky gunship na tadtad ng rockets at kanyon. Akala ng mga rebelde, magkakaputukan na. "Pero nakasindi ang mga ilaw nila," kuwento ni Cruz. "Noon ko nabatid na sumasama sila sa amin. Ang ikinatakot ko, baka hindi alam ng mga tao at may magpaputok, kaya nagsisigaw ako: 'Huwag kayong magpaputok! Kakampi natin sila!'"

Grabe ang tensiyon.


Naghari ang katahimikan. Isa-isang lumalabas ang mga piloto, may hawak na mga puting bandila at nagla-Laban sign. Sumabog ang palakpakan at hiyawan, kasabay ng higanteng buntong-hininga. Maayos na nagsibabaan ang mga sundalo na sinalubong ng mga madre at inabutan ng mga bulaklak. Abot-tenga ang ngiti ng mga tao, ipinagbubunyi si Sotelo, ang lider ng labing-anim na piloto na nagmartsa patungo sa headquarters. Mahigpit na niyapos ng mga rebeldeng sundalo ang mga crew ng mga helicopter.

Wika ni Sotelo, kasama niyang tumiwalag ang buong 15th Strike Wing ng Philippine Air Force. Hiyawang hindi maawat ang isinagot sa kanya ng mga sundalo at sibilyan na akala ay bobombahin sila. Umakyat si Sotelo sa War Room at malugod siyang sinalubong ni Ramos at ng kababayan niyang si Enrile. "Maluha-luhang niyakap kami isa-isa nina Minister Enrile at General Ramos. Tumaas nang isang libong porsyento ang sigla ng mga rebelde. Bumagsak nang isang libo porsyento ang sa kaaway."

"Akala talaga namin noon, nagkaroon ng milagro," kuwento ni Cruz. "Anong laban namin kung inatake kami? Hanggang isa, dalawang araw lang kami tatagal."

"Hindi namin inaasahan 'yon," ani Ramos. "Major turning point 'yon sa rebolusyon! Biglang nagkaroon kami ng air power!"

Agad nagplano ng symbolic action laban sa Palasyo ang rebeldeng militar. Gagamitin nila ang 15th Strike Wing upang salakayin ang Malakanyang at iparatíng doon na may air power na ang mga rebelde. Subalit bago sila nakakilos ay bumanat ng psy-war ang Palasyo ­ sandaling nadiskaril ang Bagong AFP.

Kasabay ng pagdefect ng pangkat ni Sotelo, nakatanggap si Keithley ng tawag mula diumano sa isang taga-PSC na sinabing kaaalis lamang ni Marcos. Sinundan ito ng mga tawag nina Cory at Ramos kay Keithley na iyon din ang balita. Alas-sais bente-siyete (6:27) ng umaga, inihayag ni Keithley sa Radyo Bandido na kalilipad paalis sa MIA nina Marcos at Bongbong. Idinagdag pa niya na sina Gng. Ver at Gng. Marcos ay Linggo pa, alas-tres ng hapon, umalis; sina Imee at Irene naman daw ay noong Sabado pa ng gabi. Nag-iisa na raw si Ver sa Malakanyang. "Wala na kayong ipinaglalaban," ani Keithley sa mga tropang loyalista. Labinlimang minuto ni-replay ang report ni Keithley. Dahil daw dito, nasiraan ng loob ang Marines na sana ay lulusob na sa Crame.

Sa EDSA, saglit na natigilan ang mga tao, 'di makapaniwalang nakaalis na si Marcos. Nakapangingilabot ang katahimikang saglit namayani, na agad sinundan ng matinding hiyawan at sigawan at iyakan. Kahit 'di magkakakilala ay nagyakapan ang mga tao, nagsayawan, nagkantahan. "Halos mahibang sila sa galak sanhi ng balitang pag-alis ni Marcos (totoo man o hindi). Naglabasan sa kanilang mga bahay, nag-iiyakan, nagyayakapan, na para bang may napuksa na salot ang bayan.

Para sa mga tao sa EDSA at sa paligid ng Crame, grabe sa excitement ang umagang iyon, parang pelikulang suspense, sunod-sunod ang mga pangyayaring madrama na hindi inaasahan. Kadedefect ni Sotelo ay nakaalis na raw si Marcos. Kahit iyong mga nagdududa ay napalukso ang puso sa gulat. Diyata't ganoon lang kadali?

Sanhi ng balitang nakaalis na si Marcos, humangos sa Channel 4 ang grupo ni Colonel Mariano Santiago, kasapi ng RAM at ng ATOM at dating chairman ng Bureau of Land Transportation ni Marcos, upang sakupin ang istasyon sa ngalan ng mga tao.

Tila sanhi rin ng balitang nakaalis na si Marcos, agad naghandang mag-ugnayan ang mga kampo nina Cory at Enrile. Alas-sais y medya (6:30) ng umaga sa bahay ni Doy Laurel sa Mandaluyong, inatasan sina Louie Villafuerte, Bobbit Sanchez, at Bono Adaza na makipag-ugnayan kina Minister Enrile at General Ramos tungkol sa pagtatatag ng pansamantalang gobyerno. Alas-sais y medya (6:30) rin sa Crame, pina-contact ni Enrile kay Tito Guingona, bise presidente ng LABAN, sina Cory at Doy tungkol sa pagtatatag hindi ng military junta kundi ng civilian government; dapat ay may skeletal cabinet daw ito, at ang puwersa nila ni Ramos ang magiging military arm ng bagong gobyerno. Hindi agad natagpuan ni Guingona si Cory. Nagpunta na lang muna siya sa bahay ni MP Palma. Nandoon ang mga nakatatandang lider ng oposisyon na sina dating Senador Tañada, Jose Diokno, at Jovito Salonga, na sinang-ayunan agad ang panukalang civilian government sa pamumuno ni Cory.

Di-magkamayaw ang pagdiriwang sa EDSA. Abot-langit ang saya ng mga tao. Mga batang nakadilaw na t-shirt ay nagluluksuhan sa kalye, hawak ang mga bandera nilang dilaw. Mga sasakyang bumubusina sa tiyempong La-ban! La-ban! Mga kabataang nagkakaway ng watawat ng Pilipinas. Mga sundalong nagla-Laban sign at sumisigaw ng "Maligayang Bagong Taon!" Mga poster na nagpupugay sa People Power. Tulo ang luha ng mga tao, pati nina Enrile at Ramos na pinabuksan ang mga gate ng Crame upang makasalamuha nila ang mga taong nagdiriwang. Yapusan ang mga sundalo at sibilyan.

"High na high kami dahil sa pagtiwalag ng 15th Strike Wing," tanda ni Ramos. "Tapos, dumating 'yong balitang wala na si Marcos sa Malakanyang, na pinausisa ko muna kung totoo. Sabi ng isang informer namin sa Palasyo, oo daw, wala na raw. Kaya kami lumabas ni Minister Enrile, para magreport sa mga tao. Napalundag nga ako sa labis na tuwa."

Bandang 7:30 ng umaga, nagtalumpati sa flagpole area ng Crame sina Enrile at Ramos. "Ito ang araw ng ating kalayaan!" sigaw ni Enrile sa mga tao sa loob at labas ng kampo. Sumunod si Ramos, na karaniwan ay pormal ngunit ngayon ay mabaliw-baliw sa tuwa, nakataas pa ang kamao, nagpupugay sa People Power na parang pulitiko. Nang matapos magtalumpati, tumalon na parang palaka ang Heneral, na labis na ikinakilig at tinilian ng madla.

Samantala, kapulong ni Cory sa Wack Wack, Mandaluyong ang ilan sa kanyang masusugid na tagasuporta, kabilang sina Joker Arroyo, Jojo Binay, at Boy Blue del Rosario. Ang balita galing Crame, hindi na binabanggit nina Enrile at Ramos ang pangalan ni Cory. "Noong unang araw daw, panay na panay ang ungkat nila sa pangalan ko, pati noong Linggo," ani Cory, "pero nagbago ang ihip ng hangin noong Lunes."

Nagdalawang-isip nga yata sina Enrile at Ramos ­ bibigay nga ba sila kay Cory o hindi ­ noong kainitan ng false alarm at pinapupurihan at ipinagbubunyi sila ng mga taong mabaliw-baliw sa tuwa sa balitang wala na si Marcos. Hindi imposibleng nag-ilusyon ang dalawa na kung papipiliin ang mga taong ito, sila ang pipiliin at hindi si Cory na wala naman daw sa EDSA.

Lubhang nabahala si Joker sa "vacuum in the leadership," o kawalan ng pamunuan, sanhi ng pag-alis diumano ni Marcos. Idiniin niya kay Cory na dapat itong kumilos agad at angkinin ang poder ng Presidente bago siya maunahan pa ng iba. Sang-ayon si Cory na dapat siyang manumpa sa lalong madaling panahon. Ipinatawag niya ang mga abogado ng LABAN, sina Rene Saguisag at Neptali Gonzalez, upang isulat ang teksto ng kanyang oath of office. Kinonsulta din niya ang kanyang mga kapatid, gayon din sina Salonga, Diokno, Palma, at Tañada. At tulad nina Enrile at Ramos, sinamantala ni Cory ang bawat pagkakataong sumahimpapawid at makiisa sa mga tao. Tumawag siya sa Radyo Bandido at nagpasalamat sa suportang ibinigay ng mga tao 'di lamang sa kanila ni Doy Laurel kundi pati kina Ramos at Enrile. Panay ang pakiusap niya na ipagpatuloy ng mga tao ang matahimik at maayos na pagkilos.

Ngunit si Freddie Aguilar ay nagtatanong pa rin. "Ganyan ba kadali si Marcos? Hindi ako makapaniwala. Sobrang bilis naman ng rebolusyong ito, sabi ko. 'Tapos, biglang narinig ko 'yung zoom-zoom ng dalawang jet. Sumama na rin pala."

May dalawang fighter bomber sa himpapawid, iniikot ang Crame. Saglit na namang natakot ang mga rebolusyonista, sundalo at sibilyan. Tulad ng akala ng marami, may utos ang mga piloto na bombahin ang kampo, ngunit tulad ng ipinalangin ng marami, matapos ikutin ng jet bombers ang kampo ay itinagilid nila ang kanilang mga pakpak bilang pagbati at lumipad patungong Clark Air Base sa Pampanga. Mga RAM officer kasi ang mga piloto.

"Bobombahin sana kami," ani Cruz, "pero biglang nakita nila ang pagkadami-daming tao mula Cubao hanggang Ortigas, 'tapos ang krus ng kahabaan ng Santolan na punong-puno rin ng tao. Ito raw ang pumigil sa kanila."

Alas-ocho trenta'y ocho (8:38) ng umagang iyon, kasalukuyang isinusulat ni Beltran ang ulat niya para sa Inquirer. "Litong-lito ang media," aniya. "Abot-abot ang mga pangyayari; nilalampasan, inuunahan ang mga peryodistang naghahabol na maireport ang daloy ng mga ito. Ganap mong alam o di-alam kung anong nagaganap, depende sa istasyon ng radyo o telebisyon na sinusubaybayan mo. Kami sa Inquirer, tulad ng ibang news media, ay tarantang-taranta rin. Sunod-sunod ang pasok ng mga istorya, na agad namang binabawi. Ang UPI, halimbawa, ay nagpasok ng istoryang si Marcos pa rin ang may hawak ng kapangyarihan, pero binawi ito, nagkamali raw. Nasa labas ang lahat ng reporter at photographer namin, ngunit ang mga istorya nila, tulad ng sa iba, ay hindi nagtutugma-tugma. Kung kapuna-puna ang pamamahayag namin ­ tulad noong isyu na tatlo ang headline ­ alalahanin niyong habang inilalabas namin ang Inquirer ay panay ang lingon namin, nag-aabang sa mga sundalong dadampot sa amin.

"Parang sirkus," kuwento ni Eggie Apostol. "Hindi mo malaman kung anong susunod na darating. Siyempre nakakakilig na nangunguna ang pangalan ko sa listahan ng mga taga-media na ipapadala raw sa Carabao Island para ipakain sa mga pating. Panay ang lingon namin. Pero galit na galit din kami, at nadaig ng galit ang pangamba."

Sa golf course ng Camp Aguinaldo, ibang klase ang eksena. Kakila-kilabot ang firepower ni Balbas na nakasipat sa rebel headquarters sa Crame: tatlong howitzer, dalawampu't walong mortar, anim na rocket launcher, anim na machinegun, at isang libong riple. Pero nakakanerbiyos din ang tatlong pangkat ng rebeldeng sundalo na nakapaligid sa brigada ni Balbas. Sa kanan niya, ang Security & Escort Battalion ni Lt. Col. Jerry Albano, may dalawang daang (200) tauhan, na Sabado pa ay sumama na sa tropang Enrile-Ramos; may patch ng watawat ng Pilipinas si Albano sa balikat niya na iniikot ng 90 degrees clockwise araw-araw; nakaturo ang araw pababa ­ ibig sabihin, ikatlong araw na ng rebolusyon. Sa bandang kaliwa ni Balbas, nakahanay ang "El Diablo," pangkat ng enlisted men na naghahabol din ng reporma sa sandatahang lakas. At sa likuran niya, ang Task Force Delta na binubuo ng mga pulis ng Crame. Pero walang balak kumilos nang masama ang mga rebelde laban sa Marines. Ang utos pa rin sa kanila, huwag magpapaputok kung hindi sila pinapuputukan.
Sa isang gunboat ng Naval Defense Force sa Manila Bay noong umaga ring iyon, pinulong ni Commodore Tagumpay Jardiniano ang kanyang limampung (50) officers. "Sabado pa, ipinangako ko na ang suporta natin kina Minister Enrile at General Ramos sapagkat naniniwala ako sa ipinaglalaban nila."

Sa Channel 4 compound sa Bohol Ave., Quezon City, bigo ang kampanya ni Santiago na sakupin ang istasyon. Hindi pumayag ang security officer na lisanin ang compound. Mapilit si Colonel Ruben Roñas na ipagtatanggol niya ang himpilan.

Sa Mendiola, malapit sa Palasyo, ilang daang tao ang nagsidatingan at nagtipon malapit sa Mendiola Bridge, dala rin ng chismis na umalis na si Marcos. Kontra sa inaasahan nila, nandoon pa rin ang makakapal na hanay ng barikadang bakal na may balot na alambreng matinik, tinatanuran ng limampung Marines na naka-arm band na puti at armado ng mga Armalite at grenade launcher. Sa likod ng barikada, sa may hanay na mga sandbag, may nakausling tila nguso ng M-60 machinegun; may mahabang sinturon ng bala na nakalaylay sa lupa. Ngunit sa halip na matakot ang mga tao, kumilos ang ilang aktibista, bagay na dati ay hindi nila pinangahasan o dati ay ikinamatay nila: kinaladkad ang pinakamalalapit na kabayong bakal at sinimulan kalasin at pagpuputol-putulin ng kamay, bato, at maliliit na pliers ang barbed wire. "Souvenir," sabi ng isang lalaking may hawak na mahabang pirasong alambre na naputol sa kapipilipit. Binilog niya ito na parang korona at tinalian ng dilaw na laso. Apat na barikada ang nahubaran ng barbed wire bago nagpaputok ang Marines sa himpapawid. Kumaripas ng takbo ang mga tao patungong CM Recto.

Sa loob ng Palasyo, naghahandang mag-presscon si Marcos sa harap ng mga kamera upang pabulaanan ang balitang wala na siya sa Malakanyang. Muli, naka-display ang kanyang mga heneral bilang patunay na may suporta pa siya ng militar.

Maagang dumating sa presscon si Vic Tañedo, isang reporter. Nakita niyang umiiyak si Imelda sa study room ng Presidente. May kausap si Marcos sa telepono; tila raw si Reagan dahil sinasabi ni Marcos na, "Mr. President, kailangang gawin ko ito."

Hindi nagtagal, lumabas sa study room si Imelda, tuyo na ang mata. Sinalubong siya ni Amy Pamintuan, isa pang reporter, na nagkuwentong may nagkakagulong mga tao sa labas, kinakalampag ang mga gate ng Palasyo, pinipilit na papasukin sila ng mga guwardiya sapagkat nakaalis na ang mga Marcos. Nagpasiya si Imelda na lumabas at magpakita sa mga tao upang patunayan na nandoon pa sila. Pasakay na siya ng kotse nang pabalikin siya ni Marcos para gisingin ang kanilang mga anak at paharapin din sa mga TV kamera.
Alas-nuwebe (9:00) ng umaga. Magsisimula pa lang ang presscon nang pumasok sa hand-held radio ni Balbas ang unang order ni Ramas na pasabugin na niya ang Crame. "Yes, sir!" automatic na sagot ni Balbas, subalit hindi niya ipinasa ang order. Makalipas ang sampung minuto, nagradyo uli si Ramas: "Inuulit ko, paputukin mo na ang howitzers ngayon din!" Kahit handa na ang artillery, nagdahilan si Balbas: "Ipinoposisyon pa namin ang mga kanyon, at naghahanap kami ng mga mapa." Ani Ramas, "Nasa telepono si Presidente Marcos at hinihintay niyang matupad ang pinag-uutos niya!"

Sinubukang makontak ni Balbas si Tadiar upang itanong kung totoong galing kay Marcos ang kill-order. Ngunit nasa Malakanyang daw si Tadiar. Hinanap din ni Balbas si Brawner ngunit walang makapagsabi kung nasaan ito.

Alas-nuwebe kinse (9:15) ng umaga, lumabas si Marcos sa TV Channel 4. Nakaupo sa kanan niya sina Imelda at Irene. Patakbo-takbo ang apong si Borgy. Hindi naglaon, lumabas si Bongbong na naka-fatigues pa rin. Nagdeklara ng state of emergency si Marcos. Kinagalitan niya ang press at broadcast media dahil sa pagkampi ng mga ito sa mga rebelde at sa pag-ulat na bumagsak na siya.
Hindi pa rin makapaniwala si Freddie. "Nakinig uli ako sa radyo. Nadinig ko si Marcos, nagsasalita! Inikot ko 'yung dial. Nasa lahat ng istasyon si Marcos! Sabi ko sa katabi ko, si Marcos, nagsasalita! Sabi niya, hindi, tape 'yan."

Kuwento ni Sembrano, "Tinawagan ako ni General Paiso; hindi pa raw umaalis si Marcos, kalalabas lang daw sa TV, nandito pa raw. Itinawag ko agad ang balita kay Major Razon."

Alas-nuwebe bente (9:20) ng umaga sa Camp Aguinaldo, muling kumahol si Ramas sa radyo ni Balbas: "Colonel, paputukin ngayon din ang howitzers!" Sagot ni Balbas, "Sir, ipinupuwesto ko pa ang mga kanyon!"

Sa Camp Crame, naghahandang magdaos ng press conference sina Enrile at Ramos. Siksikan ang mga reporter at sibilyan sa press room. May nagbukas ng TV. Si Marcos ang bumulaga sa kanila, idiniin na wala siyang balak na magbitiw o sumuko.

"Nagkagulo na!" kuwento ni Freddie. "Pinatakbo 'yung isa para sabihin sa mga tao na 'wag munang magsiuwi!" Saka lamang natauhan ang rebeldeng militar at nagising sa banta ng artillery mula sa Aguinaldo na dapat sana ay nabomba at napasabog na ang Crame kung hindi sa pag-aatubili ni Balbas.

Hindi malinaw kung sino ang may pakana ng "false alarm". May nagsasabi na propaganda lahat iyon ng kampo ni Ramos, pahiwatig kay Reagan na handa silang pumalit kay Marcos. Ginamit lang daw si Keithley. "Sabi nila, noong sandaling inihayag ko na umalis na si Marcos, kakaunti ang tao sa EDSA. Marami ang natakot lumabas dahil nagti-teargas na sa Libis. Pero nang narinig daw nila ang balitang umalis na si Marcos, nagsidatingan na lahat ng tao. Hindi lang nadoble, natriple pa ang bilang nila. 'Tapos nga, dumating 'yong balita na hindi pa nakakaalis si Marcos. Ang nangyari daw, na-trap ang mga tao sa EDSA at naging mas marami pa ang naging panangga sa tropang loyalista."

"Palagay ko, comedy of errors ang nangyari," tugon ni Ramos. "Hindi ko masasabing sinadya kong likhain ang sitwasyong iyon. Inaamin kong gumamit ako ng mga propaganda techniques para pasiglahin ang morale ng mga tao habang dine-demoralize ang kaaway. Pero sa kasong ito, dumating lang sa amin ang balita, na pinakumpirma pa nga namin. Maaaring may malinaw na senyas ng pag-alis o pag-atras."
May nagsasabi naman na pakana ng kampo ni Ver ang false alarm. Akala nila, pag nabalitang wala na si Marcos, mag-uuwian ang mga tao at puwede nang tirahin ang Crame mula sa Aguinaldo. Ngunit kabaligtaran ang naganap. Lalo pa raw dumami ang mga tao; pati sa loob ng kampo ay may nagsasayawan, naghihiyawan, ipinagdiriwang ang kanilang kalayaan. Lalong hindi nakapagpaputok ang Marines.
Nang nakumpirma daw ni Enrile na nasa Malakanyang pa nga si Marcos, inatasan niya si Ramos na magpadala ng pangkat para agawin ang Channel 4. Inutos din niyang magpalipad ng isang helicopter sa Malakanyang at tirahin ito ng rockets. Pero huwag daw patatamaan ang Palasyo mismo dahil ayaw niyang masaktan ang Presidente.

"Siyempre, labis kaming nataranta nang narinig naming nasa Malakanyang pa si Marcos. Sabi ko na lang, well, balik tayo sa drawing board," salaysay ni Ramos. "Nagpadala agad kami ng tropa sa Channel 4, tapos ay kumilos kami laban sa Malakanyang."

Sa TV sinabi ni Marcos na binabago na niya ang kanyang "maximum tolerance" policy. Ipagtatanggol daw ng kanyang gobyerno lahat ng installations, kabilang ang communications, at ang kalayaan ng himpapawid upang maging mas maayos ang takbo ng pamahalaan. Pinagbawalan niyang mag-brodkast ng military operations ang mga himpilan ng radyo at TV nang hindi muna kinukumpirma ang impormasyon sa Office of Media Affairs.

May foreign correspondent na nagtanong kung matutuloy ang inagurasyon niya kinabukasan. Ani Marcos, katungkulan niyang ituloy ang kanyang panunumpa dahil ito ang inuutos ng Konstitusyon, na maganap ang inagurasyon sampung araw matapos siyang iproklama. Palagay ni James Fenton na nandoon din, kung kinulit pa nila si Marcos, tiyak na nakapag-ungkat ito ng iba pang batas. "Umaandar ang bahaging iyon ng kanyang utak. Ang hindi umaandar ay ang bahagi na sinasabi dapat sa kanya na tapos na ang laban.

Walang kamalay-malay si Marcos na namemeligro ang kanyang brodkast sa Channel 4. Sa labas ng himpilan, sa Bohol Avenue, nagbabanatan na ang mga rebelde at loyalista. Pumoposisyon pa lang ang mga rebeldeng sundalo nang dalawang beses silang pinaputukan ng isang sniper sa ikalawang palapag ng transmitter tower ng himpilan. Gumanti ang mga repormista. Takbuhan ang mga tao. Pagkatapos, mahabang katahimikan.

Sa EDSA, binalikan ng mga tao ang mga barikada, salamat sa pagpupunyagi ng mga balisang rebelde. Milyon-milyon ang nagsidatingan.
Sa wakas ay nahagilap ni Balbas si Tadiar sa Community Hall sa Malacañang Park, kasama ng ibang heneral. "Sir, natanggap ko ang order ni General Ramas na tirahin ng mga LVTH-6 ang Camp Crame. Alam ba ito ng Malakanyang?" tanong ni Balbas. Noon din ay nagtungo si Tadiar sa Palasyo upang alamin.

Sa Channel 4, nagtatanghal si Marcos ng greatest performance of his life. Enter frame bigla si Ver at nagdrama ang mag-amo. Humingi ng permiso si Ver na lusubin ang Crame. Pinigilan siya ni Marcos. "Ang utos ko ay huwag lumusob!" Idinagdag niya na kung tangkaing sakupin ng mga rebelde kahit aling military installation, ipagtatanggol ito nina Ver ng small arms o maiikling baril lamang. Madiin ang utos ng Presidente na huwag gagamit ang militar ng mga heavy weapon tulad ng mga tangke, mortar, recoilless rifles, atbp. Pero puwede raw nilang gamitan ng mga anti-aircraft weapon ang mga helicopter na itinakas ng rebeldeng militar.

Nagpapantasya si Imelda 'pag sinasabi niyang si Marcos ang tunay na bayani ng EDSA 'pagka't pinigilan niya si Ver na magpaputok. Ang totoo, na kinumpirma ni Tadiar kay Ver, may awtoridad ni Marcos ang utos ni Ramas na banatan na ni Balbas ang Crame ng heavy artillery. Agad ipinaalam ito ni Tadiar kay Balbas. "Sa palagay ko, may awtoridad ang utos ni Ramas. Puwede ka nang magpaputok." Humingi ng paumanhin si Balbas. Pinapasok na raw ang mga tao sa loob ng kampo; maraming sibilyan ang masasaktan. Natigilan si Tadiar. "Kung ganoon, huwag kang magpaputok. Bahala ka nang dumiskarte."

"Kadalasan, psychological warfare ang nangyari," kuwento ni Sembrano. "Tulad kay Colonel Balbas ­ nakiusap si General Ramos sa mga kamag-anak niya, sa misis niya at mga anak, na tawagan si Colonel Balbas at sabihin sa kanyang nasa EDSA sila. Kayâ hindi nagawa ni Balbas na magpaputok."

"Ipinagpatuloy namin noong umagang 'yon ang pagpaparami ng aming hanay," kuwento ni Ramos. "Sumama na rin ang 5th Fighter Wing, gayon din ang Clark Air Base sa pamumuno ni Colonel Romy David. Hindi naman lahat ay propaganda lang, lalo na pag inirereport ko ang pag-defect ng importanteng combat forces. Noong sabihin kong meron na kaming labing-dalawang regional commands ng PC-INP, kinumpirma ko muna 'yon sa kanilang deputy commanders. Pagdating sa military defections, may katotohanan ang sinasabi namin. 'Pag merong krisis, hindi puwedeng puro propaganda o kasinungalingan lang; kailangan kausapin mo sila nang tapat at mahimok silang sumuporta. Kung hindi, hindi sila sasama."

Samantala, palpak ang unang mission ng 15th Strike Wing na pilayin ang radio transmitter ng Malakanyang. Bumalik ang Sikorsky makaraan ang ilang minuto; hindi natagpuan ng piloto ang transmitter. Inutusan na lang ang piloto na tirahin ng rockets ang Palasyo, hindi para manakit kundi upang magdulot ng kaunting pinsala at marindi ang mga nandoon.

Sa labas ng Channel 4 compound, nagpalitan uli ng putok ang mga rebelde at loyalista. Maya-maya, may isang demonstrator, may hawak na banderang dilaw, ang tumawid ng kalye at inakyat ang bakod ng compound. Kasabay nito, may lumabas sa compound na isang sugatang sundalo ng Army na isinenyas ang pagsuko ng mga loyalista. "Sina Major Rudy Aguinaldo at ang senior aide kong si Major Sonny Razon ang nagsagawa ng pagsakop sa Channel 4," salaysay ni Ramos. "Sa kalsada naman, sinuportahan sila ng People Power na pinangunahan ni Colonel Mar Santiago. Kung tutuusin, maganda ang kinalabasan nung false alarm dahil naudyok kaming kumilos agad; tuloy, naagaw agad namin ang Channel 4."

Alas-diyes (10:00) ng umaga, nasa TV pa rin si Marcos, sasagutin sana ang tanong ng isang reporter kung paano siya naging "in control" pa rin, nang biglang nag-blackout ang TV screen. Halatang nabahala si Marcos kahit nagpatuloy siya na parang walang nangyari. Si Cendaña ang labis na nataranta; binusisi ang panglipat ng channel at nalaglag ang panga nang makitang lahat ng istasyon ay maayos maliban sa Kuwatro.
 

Alas-diyes (10:00) din ng umaga, lumapag ang presidential helicopters sa Malacañang Park. Ang grupong Air Force ay binubuo ng limang piloto at apat na sundalo. 


Alas-diyes kinse (10:15) sa Nagtahan, panay ang kasa ng baril ng Marines at PSC habang papalapit ang isang pangkat ng mga tao galing sa EDSA, may tatlong libo (3,000) ang bilang at may ikinakaway na malaking watawat ng Pilipinas. Ilang V-150 commando cars na may kanyon ang iniharang ng PSC sa tulay, maneobra na sinalubong ng panunuya at paghamak ng mga residente sa paligid.
Sa loob ng Palasyo, nakatanggap si Tommy Manotoc, kabiyak ni Imee Marcos, ng tawag mula kay Brigadier General Ted Allen ng Joint U.S. Military Assistance Group (JUSMAG). Nag-alok si Allen ng US helicopters at Navy boats para ilabas ang pamilyang Marcos sa kubkob na Palasyo.

Sa himpapawid, lumipad ang Sikorsky ni Captain Wilfredo Evangelista sa Manila Bay; pagkatapos umikot ito, nagtago sa mga gusali ng Rizal Park, at sumulpot sa likod ng Manila Post Office. Ilang segundo lang ay handa na itong bombahin ang Palasyo. Sa Palasyo, may mga sundalo sa pinakamataas na palapag ng Administration building, nakaturo sa kalangitan. Naalerto ang mga sundalo sa lupa na may hawak ng mga tangke; ang mga nasa Gate 4 ay nagrereport sa mga radyong hawak nila habang sinusuyod ng tingin ang langit. Nagtakbuhan pabalik sa loob ng Palasyo ang mga reporter na paalis na sana.

Humagibis ang Sikorsky at naglaglag ng anim na rocket na sumabog sa iba't ibang lugar ­ malapit sa kuwarto ni Imelda, sa hardin ng Palasyo, at sa parking area. Pinaputukan ng mga loyalista ng hand-held guns ang Sikorsky subalit iisa ang tumama sa helicopter, bala yata ng Armalite. Sa bilis ng pagkakasalakay, ni hindi nakuhang paputukan ng anti-aircraft guns ang helicopter.

Apat na rocket ang pumatak at tumama sa kuwarto ni Imelda at sa hardin. Walang masyadong napinsala ngunit naparating nito ang mensahe na kaya silang tirahin ng puwersang rebelde kahit kailan, kahit saan. Tumama ang isang rocket sa hardin ni Doña Josefa, na may tatlumpo (30) hanggang limampung (50) metro ang layo sa presidential helicopters. Tinamaan ng shrapnel ang choppers pero makakalipad pa daw. Sa Gate Two, napinsala ang Audi sportscar ni Greggy Araneta at nasugatan sa bukong-bukong ang dalawang guwardiya.

Nang magbagsakan ang mga bomba, bumaba ang buong pamilyang Marcos sa ground floor, malapit sa elevator, kung saan sila pinakaligtas. Nag-agawan ng armored vests ang mga heneral at ibang opisyal. Nagsiksikan sa isang kuwarto ang Unang Pamilya. Mahinahong tiniis ni Marcos ang insidente. Pero pagkatapos ay nagalit siya. Naghandang tumawag uli ng presscon si Cendaña.
Sa matinding poot, tinawagan ni Ver sa radyo ang Wing Commander ng F-5 Fighters na kasalukuyang nasa himpapawid ng Malakanyang. "Ito si General Ver! Bombahin ang Camp Crame, ngayon din!" Sagot ng rebel squadron commander, "Yes, sir! Bobombahin ang Malakanyang ngayon din!" Tumiwalag na rin ang jet fighters ni Marcos.

Tinawagan ni Irwin Ver si Balbas at inutusan ito na paputukin na ang mga kanyon at mortar at sugurin na ang Crame. Nagsinungaling pa si Ver; may sampung tao raw ang nasaktan nang bombahin ang Palasyo.

Si Tadiar ang sunod na tumawag kay Balbas, itinatanong kung nagpaputok na ito. Ani Balbas, "Sir, may panganib na napakaraming sibilyan ang masasaktan." Sinundan ito ng tawag ni Ramas. May darating daw na heneral lulan ng helicopter at siya ang mamumuno sa aksiyon laban sa Crame.

Muli, sinuwerte ang mga rebelde. Dahil marami nang sumama sa mga repormista na mga sibilyang may radyo at nagmo-monitor sa frequency ni General Ver, narinig nila nang utusan ni Josephus Ramas ang isang heneral na sumundo ng mga helicopter sa Villamor Air Base at ng Scout Rangers sa Fort Bonifacio at sumugod sa Camp Aguinaldo. Naisipan ng mga rebelde na unahan ang heneral sa mga helicopter sa Villamor.

Sa Amerika, sa US State Department, kapulong nina Shultz at Armacost ang labor minister ni Marcos, si Blas Ople, na sinadya sila upang iapela ang kaso ni Marcos. Tahasang sinabi ng mga Kano kay Ople na wala nang control si Marcos sa kanyang puwersang militar, walang kuwenta ang mga tropa ni Ver, at kung 'di kusang bábabâ sa puwesto si Marcos, masasadlak ang bansa sa civil war.

Sa Malakanyang, napilitan si Lito Gorospe, hepe ng presidential press staff, na i-phone patch si Marcos sa Channels 2, 9, at 13 ng Broadcast City na pag-aari ng mga crony ni Marcos. Sa bahay niya, ipinagdikit ni Gorospe ang mga headpiece ng dalawang telepono, si Marcos sa isa, ang Broadcast City sa kabila. Kayâ lang, may party-line si Gorospe na biglang nag-angat ng telepono. May narinig na bungisngis na boses ng batang babae: "Hello? Hello? Sino 'to?"

Alas-onse y medya (11:30) ng tanghali sa Malakanyang, natanggap ni Sgt. Reginaldo Albano ang isang dokumento para kay Ver na may pirma ni Marcos. "May umiiral na emergency ngayon sanhi ng sabwatan laban sa Pangulo at Unang Ginang at ng tangkang kudeta. Lumalala araw-araw ang emergency dahil sa patuloy na balibalita, komentaryo, interbyu, at istorya na nagsisilbing propaganda pampaliyab ng damdamin ng publiko, gayong itinatago ng mga ito ang katotohanan na matatag ang gobyerno sa buong kapuluan. Samakatuwid, ikaw ay inuutusan na ipatigil ang operasyon ng lahat ng peryodiko ng alternative press, kabilang ang mga sumusunod: "(1) The Philippine Daily Inquirer (2) Malaya at We Forum (3) Veritas (4) Mr. & Ms. (5) The Manila Times (6) Business Day (7) Sun Times (8) Free Press. Isasagawa mo ang utos na ito ngayon din."

Alas-onse y medya (11:30) rin ng tanghali sa Bohol Avenue, Quezon City. Inangkin at sinakop ng mga tao ang Channel 4 compound sa gitna ng palakpakan at sigawan ng "Cory! Cory! Cory!" at busina ng mga kotse. Isang malaking grupo ng mga taong nakadilaw ang matagumpay na nagmartsa papunta sa himpilan. Sa intersection ng Bohol at Cebu, may nakaparadang dilaw na pick-up truck na "Ave Maria" ang pinapatugtog. Sa ibabaw ng trak, nagtayo ng altar ang isang pari para magdaos ng Misa ng pasasalamat. Sa tabing-daan, hiyawan ang mga tao nang may naglabas galing sa lobby ng larawan ni Marcos na sinira ng pangkat at sinunog. Tipong kilos ng Kaliwa, na sa Channel 4 lang lumutang at hindi sa EDSA. Kapani-paniwala tuloy ang balita ni Jose Maria Sison mula sa Utrecht noong 1992 na kabilang sa nag-People Power sa Channel 4 ang limang-daang (500) militanteng aktibista ng BAYAN. Sabi rin niya, 20%, o beinte porsyento, ng People Power sa EDSA ay galing sa organisado o "progressive forces" ng Kaliwa; 80%, o ochenta porsyento, lang daw ang di-organisadong mga tao na kusang-loob na nagtungo sa EDSA.

Pero walang kinatawan ang Kaliwa sa mga komite na binuo ng repormistang militar. Kay Tony Santos pinahawakan ang produksyon, kay Fr. Efren Datu ang radyo, kay Orly Punzalan ang TV, kay Judge Gutierrez ang accreditation, at kay Jose Mari Velez ang balita.

Alas-onse kuwarenta'y singko (11:45) ng tanghali, nagsimulang mag-brodkast muli ang Radyo Veritas sa himpilan ng MBS 4. Tandang-tanda ni Tito Cruz, senior newscaster ng Radyo Veritas, noong una siyang tumapak sa himpilan ng radyo. Dahil ubod ng dilim, nagsindi siya ng lighter para maaninag ang mga switch sa booth. Pambungad niyang salita: "Ibig kong malaman ng publiko na nasakop na ng puwersa ng tao ang MBS 4. Manalangin tayo at ipagpasalamat sa Diyos ang ating kalayaan."

Alas-dose (12:00) ng tanghali, nagpalipad si Sotelo ng tatlong gunship. Utos ni Sotelo sa mga piloto: "Humanap kayo ng mga helicopter sa himpapawid at sa lupa, kahit anong klase, at wasakin ninyo!"

Walang nakitang helicopter sa Fort Bonifacio, pero may lima sa Villamor, nakahilera sa flight line, inihahanda ng mga crew. Nahuli ni Hotchkiss ang kanilang radio frequency at binalaan sila. "Pakiusap lang, umalis kayo d'yan. Ang utos sa amin ay wasakin ang mga helicopter n'yo." Ang sagot buhat sa lupa: "Inyong-inyo na!" Nang wala ng tao sa tarmac, pinaulanan ng raiders ng 50-caliber bullets ang mga helicopter. Ang lima ay lubos na nasalanta; ang isa ay sumabog. Mayroon din doong mga C-130, Fokker, Nomad, at iba pang eroplano, nguni't walang nagasgasan kahit isa. Ang linis ng trabaho!

Tanghaling tapat rin, habang tinitira ng 15th Strike Wing ang mga helicopter sa Villamor, pinaatras ni Tadiar si Balbas sa Aguinaldo at pinabalik sa Fort Bonifacio. "Makipag-ugnayan ka sa mga puwersa ng kaaway at sabihin mong uurong ka na." Mabilis na nakalabas ng kampo ang Marines.

Iyon na ang extent ng military action noong EDSA. Maganda ang simula para sa puwersa ni Ver ­ nakalusot ang Marines sa mga barikada sa Libis at nakapasok sa Aguinaldo ­ subalit nauwi ito sa wala sapagkat tulad ni Tadiar sa EDSA/Ortigas, hindi sumunod si Balbas sa kill-order habang mayroong mga sibilyan na madadamay. Malagim naman ang simula para sa maliit na puwersa ng rebeldeng militar at ng People Power ­ nag-utos ng full assault by land and by air si Marcos ­ subalit nauwi ito sa madramang defection ni Sotelo at sa pagpapakitang-gilas ng Bagong Philippine Air Force. Maaaring napahiya sina Enrile at Ramos ­ nakoryente sila ng "scoop" ni Keithley ­ kayâ gigil na gigil silang lumaban ng putukan, tama na muna ang psy-war. Sunod-sunod ang aksiyon ng bagong AFP: binomba ang Malakanyang, winasak ang mga helicopter gunship sa Villamor Air Base, at inagaw ang Channel 4. Gayunman, mapapansin na sukát na sukát ang bawat aksiyon ng rebeldeng militar ­ walang nasaktan sa Villamor, iilan sa Palasyo at sa Channel 4. Tila umalalay rin ang rebeldeng militar sa kagustuhan ni Cory na maiwasan o mapigilan ang pagdanak ng dugo.

Mula noong tanghaling iyon, masasabing downhill all the way, pabagsak na nang tuluyan, si Marcos.

Ala-una (1:00) ng hapon, lihim na inutusan ni Ver si Piccio na maglunsad ng air attack sa Crame. "Pero, sir, wala na tayong mga gunship," sagot ni Piccio. "Nawasak nang lahat!" May ilang pilotong nahagilap si Ver subalit walang eroplano. Nasa Clark ang fighter bombers, kunwari'y walang gas. Ang totoo, nag-defect na rin ang mga piloto.

Sa Malacañang Park, naiinip na ang crew ng presidential helicopters. Akala nila ay ililipad nila kung saan ang Presidente at ang pamilya niya ngunit walang order na dumadating. Nang kumonsulta sila sa kanilang kumander na kamag-anak ni Gng. Marcos, sila raw ang bahala kung anong gusto nilang gawin. Puwede silang manatili sa Malakanyang, puwede silang bumalik sa Villamor, o puwede silang pumunta sa Crame. Naibigay na raw ang mga pangalan nila sa Crame at hindi sila sasaktan doon. Dahil hindi naman daw repormista o loyalista ang mga piloto at crew kundi mga propesyonal na sundalo na naatasang magsilbi sa Presidente, sino man siya, nagpasiya ang mga ito na manatili sa Malakanyang.

Sa loob ng Palasyo, pinapanood ni Aruiza ang Presidente na kakapa-kapa patungo sa kanyang kuwarto. Batid ni Aruiza na masyado nang mabilis ang takbo ng mga pangyayari para matugunan pa ni Marcos. Parang nag-aagaw-dilim ang isip niya. Kahit paminsan-minsan ay may sumusundot na liwanag at natatauhan siya, bumabalik ang talino at katatagan ng loob, ito'y patila-tilamsik lang. Ang nananaig ay takipsilim na dala ng mga gamot, kayâ matamlay at lupaypay ang tugon niya sa umiigting na krisis.

Samantala, namamayagpag ang rebolusyon. May sarili nang himpilan ng radyo at TV ang puwersa ng taongbayan. Ala-una bente-singko (1:25) ng hapon, nagbalik-himpapawid ang People's TV Channel 4. "Makukuha na ninyo ngayon ang katotohanan sa channel na ito," bungad ni Orly Punzalan. Patuloy ni Maan Hontiveros: "Labis akong nasisiyahan na maging bahagi nitong kauna-unahang malayang brodkast ng Channel 4." Nanawagan sina Maan at Orly sa mga technician ng ABS-CBN bago nag-martial law na balikan ang kanilang mga trabaho. Si Hontiveros at ang mga mainstay ng Radyo Veritas ­ sina Punzalan, Frankie Batacan, Keithley, Fathers Ben, Larry, at Guido, Harry Gasser at Bishop Buhain ­ ang nagtagni-tagni ng mga unang oras ng Channel 4 sa himpapawid.

Bumuhos ang mga reklamo at pakiusap galing sa iba't ibang sektor. Sa pamamagitan din ng radyo at telebisyon, naiparating sa mga tao kung saan-saan nangangailangan ng mga tao pambarikada; isa na rito ang Channel 4, gayon din ang dalawang kampo. May mga tumawag din na nagsabing bigyan ng bagong pangalan ang himpilan ng radyo at telebisyon ngayong malaya na ito. Radyo Pilipino sana, kaya lang ginagamit na ito ng istasyong pag-aari ng crony na si Eduardo Cojuangco. Interesante ang mga pangalang pinagpilian: Radyo Cory, Radyo Laban, Radyo Ninoy, Radyo Pinoy. Dumating si Tia Dely Magpayo, beteranang radio personality, may dalang isang bunton ng plaka ng mga paborito niyang awit na Pilipino. Sa pagmamadaling pumunta sa istasyon, nakalimutan dalhin ng mga taga-Veritas ang mga plaka ng mga awit ng rebolusyon: "Mambo Magsaysay" at "Onward Christian Soldiers." May nagsidatingan din na mga taga-showbiz upang maki-brodckast ng balita at mang-aliw. Nandoon sina Jim Paredes, Noel Trinidad, at Subas Herrero, na tuwang-tuwang sumisigaw sa kamera: "Tama na! Sobra na!" Saglit tumigil. "Ang sarap sabihin, 'no?" Sabi nga ni Tia Dely, "Sa wakas, nagbubukang-liwayway na!"

Hindii malinaw kung bakit hindi kabilang si Keithley sa makasaysayang unang brodkast ng Channel 4. Maaaring nawalan na siya ng krebilidad ­ biglang hindi na siya in-demand ­ nang nabistong palpak ang balita niya na wala na si Marcos. Pero maaari ding nasingitan o naunahan lang siya. Pakiramdam ko noon, habang pinapanood ang unang telecast ng People's TV, ang datíng ng mga mamamahayag ay tipong gaya-gaya puto-maya; puro sila trying-hard to do a Keithley, gayong ibang drama na ang hinihingi ng panahon. Walang kamalay-malay ang revolutionary media na hindi lamang sa EDSA, sa Mendiola, at sa Channel 4 may nagaganap na importante, kundi sa loob din ng mga bahay nina Cory at Doy at ng mga opisina nina Enrile at Ramos, kung saan buong araw tinatalakay ang pagtatatag ng bagong pamahalaan.

Ayon kay Ramos, "Maya't maya ay nagpupulong si Minister Enrile at ang mga kinatawan ni Gng. Aquino. May usap-usapan tungkol sa isang junta na bubuuin ng mga sibilyan at ilang militar para pansamantalang magpatakbo ng gobyerno kung sakaling panalo na. Pero ipinaubaya kong lahat 'yon kay Minister Enrile. Kami sa militar ay hindi gaanong inaalala noon ang tungkol sa magiging papel namin sa bagong administrasyon. Ipinaubaya namin 'yon sa mga sibilyan."

Ani Almonte: "Walang bahid ng pulitika ang layunin namin. Wala kaming pinagnasaang puwestong pulitikal. Hindi kami naghabol ng pera o kapangyarihan. Ang gusto lang namin, na mabago ang gobyerno at maibigay sa tao ang nararapat. Nagkasundo kami sa RAM na pagkatapos ng aksiyon, babalikan namin ang maliliit naming tungkulin."

Sa kampo nina Cory at Doy, ni hindi pinag-uusapan ang military junta; civilian government ang kanilang pinaghahandaan. Buong araw pinagtalunan kung anong klaseng civilian government ang nauukol sa sitwasyon. Puwede itong gawin na "constitutional," ibig sabihin ay ibabatay sa umiiral na Saligang Batas, o 1973 Marcos Constitution. Puwede rin itong gawing "revolutionary," ibig sabihin ay ibabatay sa kapangyarihan na ipinagkakaloob ng People Power kay Cory. Natural, mas boto ang mga MP ng Batasang Pambansa, KBL at oposisyon, sa constitutional government. Kung revolutionary kasi, idi-dissolve ang Batasan at mawawalan ng poder ang mga Mambabatas na iproklama sina Cory at Doy (mawawalan din sila ng trabaho); ibig sabihin, ang rebeldeng militar ang magiging tanging puwersa, bukod sa taong-bayan, na magtataguyod sa bagong pamahalaan habang nasa Malakanyang pa si Marcos. Sapagkat malinaw na hindi pa lubos na bumibigay sa kanya ang rebeldeng militar, tila napilitan si Cory na makipagkaisa sa mga Mambabatas at isalig ang bagong pamahalaan sa martial law Constitution.

Alas-dos (2:00) ng hapon sa bahay ni Doy Laurel sa Mandaluyong, napagkasunduan din na gawing permanente, at hindi probisyonal, o pansamantala lamang, ang bagong gobyerno. Pinag-usapan din kung paano ang pagdokumento ng dakilang pangyayari ­ halimbawa, ang paraan ng proklamasyon, ang pagsulat ng teksto, ang balangkas na susundin. Nagkaisa ang lahat na dapat idaos ang proklamasyon noong gabing iyon mismo. Pangwakas, tinalakay nila ang listahan ng mga puwesto sa Cabinet at public utilities na kailangan agad mapunuan. May listahan si Doy ng labinlimang (15) puwesto at ng mga taong inirerekomenda niya sa bawat isa. Ayon sa isang saksi, halos lumuwa ang mata ni Cory nang mabasa ang listahan.

Alas-tres (3:00) ng hapon. Umaapaw ng tao ang EDSA mula Cubao hanggang Ortigas, mula Santolan sa San Juan hanggang Libis sa Murphy, gayon din sa lahat ng sangay-sangay na mga kalye sa palibot ng Aguinaldo at Crame. Nasa kasidhian ang People Power. Mahigit dalawang milyon ang nagtipon-tipon upang ipagtanggol si Enrile, Ramos, at iba pang opisyal ng hukbong militar. Lahat ay nakikinig sa radyo para sa pinakabagong balita.

"Pagdating sa bilang ng mga tao na pumunta sa EDSA," ani Ramos, "dito nagkaroon ng kaunting pagmamalabis, nag-exaggerate kami, dahil hinihikayat namin ang mga tao na magpunta at magkampo sa EDSA."

Nagkalat ang mga gomang nasusunog, watawat ng aktibista, banderita, tolda, maglalako, sandbag, sasakyan, radyo, mga kandila, tambolerong nag-a-ati-atihan, mga dayuhang peryodista, mga artistang nagpapa-cute, mga altar at imaheng banal. Parang piyesta ang pakiramdam, parang karnabal, na walang katapusan ang daloy ng makakapal na tao. Mga kaibigang matagal nang hindi nagkikita ay doon nagkita-kitang muli, mga 'di magkakakilala ay nagbabatuhan ng sandwich at biskwit sa mga tao, may mga pamilyang namimigay ng pagkain at pampalamig. Kahit saan ka tumingin, may mga imahen ni Maria. Pati sa mga barikada na kung ano-ano ang bumubuo: mga kotse, panel, bus, trak ng basura, sandbag, lubid at pisì, mga istatwang sagrado at mga taong nakatayô, nakaluhod, nagdadasal, o nakasalampak sa aspalto, kapit-bisig kung minsan.

Alas-tres (3:00) din ng hapon, kabilugan ng buwan, tila nawari ng kanyang kapwa diktador, si Prime Minister Lee Kuan Yew, na nabibilang na ang oras ni Marcos. Tumawag sa Malakanyang si Ambassador Peter Sung, inaanyayahang lumipad si Marcos at ang kanyang pamilya sa Singapore. Hindi agad nakaimik si Marcos. Aniya, wala siyang balak na umalis ngunit nagpapasalamat siya sa malasakit ng Prime Minister at ng kanyang gobyerno.

Alas-tres (3:00) din ng hapon, samantalang bumubuo sina Ochoco at Brawner ng Malacañang Defense Group na babawi sa Channel 4, inuutusan ni Ver si Colonel Romeo Ochoco na ayusin ang paglikas ng matalik niyang kaibigan na si Gng. Edna Camcam at ng mga anak nito.

"Nagluto nang nagluto ang kaibigan kong si Francis Lee na may-ari ng mga Chinese restaurant," kuwento ni Baby Arenas. "Gayon din ang aking cook, na pinakamasarap magluto ng siopao at siomai. Nag-deliver din kami ng pagkain sa mga kamag-anak ni General Ramos sa Alabang at sa mga madre at mga tao na nagkumpulan sa labas ng bahay niya. Kinausap ko pa nga si Ming."

"Walang tigil ang pagdating ng tao," kuwento ni Ming. "Ipinaghanda namin sila ng kape, pero ang sabi nila, huwag kaming mag-abalá. Maya't maya ay may nagpapadala ng pagkain. Akala nila, wala kaming pagkain. Tuloy, lalong tumaba ang bunso naming si Margie."

"Lahat ng klase ng pagkain, meron ­ sandwich, doughnut, spaghetti, hamburger, juice," kuwento ni Margie. "Sayang naman kung titingnan mo lang, 'di ba?"

Sa paligid ng Channel 4 compound, handa ang mga tao na ipagtanggol ang bagong kalayaan ng airwaves. May mga bus ng Metro Manila Transit na nakabarikada sa mga daan papuntang himpilan. Tatlumpu't apat (34) na oras nilang tinauhan ang mga barikada, paikot-ikot, pabalik-balik sa Crame.

Sa Camp Crame, nanonood sina Ramos at Enrile ng unang brodkast ng malayang Channel 4. Pinalakpakan nila ang isang military officer na kapapaliwanag kung bakit nararapat sumumpa ng katapatan ang mga sundalo sa puwersang rebelde. 'Tapos, bumaling ang usapan ng dalawang bandido sa ibang isyu. Tungkol sa political detainees, ani Ramos, "Okey lang ang mga cause-oriented, pero hindi ang hardcore communists." Pinatawagan ni Enrile si General Samuel Soriano, hepe ng Legal Affairs Division ng MND. Sabi niya, pag-aralan agad lahat ng kaso ng mga political detainee upang maitakda ang paglaya ng mga bihag na 'di makatwiran ang pagkakakulong.

Sa Channel 4 mismo, ninenerbiyos ang security. Hindi kasi maliwanag sa mga sundalo kung sinong cause-oriented at sinong hardcore communists sa mga nagboboluntaryong tumulong o makibahagi sa brodkast ng rebeldeng himpilan. Maraming tao ang hindi pinapasok, pati mga dating Constitutional Convention delegate ay hindi nakalusot, sa takot ng rebeldeng militar na mapuslitan sila ng mga komunista. Masasabi na noong mga oras na iyon, naipaubaya na ng taong-bayan kay Cory at sa kanyang mga tauhan ang mga importanteng desisyon kaugnay ng media at national security. Walang kamalay-malay ang karamihan na bitin ang kalayaan ng media na ipinangangalandakan ng People's TV 4 ­ namamayani pa rin ang censorship, gayon din ang elitismo at ang kababawan ng diskurso at mga adhikain nito.
Dalawampu't apat (24) na oras, walang patid, nagsilbing propaganda machine ng samahang Cory-Enrile-Ramos ang Channel 4. Dumagsa ang mga volunteer: sa food brigade, tagasagot ng telepono, mga artista, mga technician at cameraman, karamihan galing sa ibang istasyon ng TV at radyo na hawak pa ni Marcos. Sari-sari ang tampok ng teledrama: mga mensaheng Nanay-okey-lang-ako, mga pakiusap na magpadala ng sipilyo, t-shirt, at briefs (may mga sundalong ilang araw nang hindi nagpapalit); mga report ng mga defection at mga foreign reaction; may talakayang pulitikal at legal; at mga istoryang People Power. Padaskul-daskol ang produksiyon dahil kulang-kulang ang kagamitan ng istasyon; hindi matagpuan ang mga kamera at iba pang mga gamit na milyon-milyong piso ang halaga; walang susi ang mga OB van. Isa pang problema: walang tiyak na rerelyebo sa mga cameraman at technician ­ mas mahirap palang magtawag ng technical crew kaysa mga bituing atat na atat na humarap sa kamera.

Samantala, tiniyak ng loyalistang militar na hindi mapapasakamay ng mga rebelde ang GMA Channel 7 na iilang bloke ang layo sa PTV 4. Nasa himpapawid sa DZBB si Inday Badiday, reyna ng showbiz intriga, nang dumagit sa istasyon ang isang trak at isang jeep na punô ng mga sundalo ng Army. Sinakop at tinanuran ng tatlumpung (30) tauhan ni Lt. Leo Carisa ang Channel 7, DWLS-FM, at iba pang himpilan ng radyo sa loob ng compound. Ayon kay Carisa, inutusan silang sakupin ang compound at pigilan ito sa pag-brodkast ng propaganda laban sa gobyerno. Nang pasukin ng mga sundalo ang booth ni Inday at utusan siyang putulin ang kanyang brodkast, nag-atubili si Inday. Bibitiwan lang daw niya ang airwaves kung ang pinuno ng istasyon mismo ang mag-uutos sa kanya. Hindi nagtagal, natanggap ni Inday ang utos na mag-sign off. Pinamartsa siya palabas, kasama ng crew.

Sa Malakanyang, nabalitaan ni Brawner na matindi ang morale problem ng Scout Rangers na ibig nang mag-defect. Umaga pa ay kinukulit na rin si Brawner ng misis niya na bumaliktad na, tulad nina Commodore Jardiniano at iba pa niyang kaklase sa PMA na nasa Crame na raw. Tinangka ni Brawner na magpaalam kay Ver para mapuntahan niya ang Rangers sa Fort Bonifacio subalit hindi siya pinayagan. Nagsumbong si Brawner kay Ramas na nagsumbong kay Marcos. Makaraan ang sampung minuto, pinayagan na ni Ver na lumakad si Brawner sa kondisyong kukumbinsihin niya ang Rangers na tumupad sa kanilang tungkulin.

Alas-tres singkwenta'y singko (3:55) ng hapon, pinatugtog ang "Bayan Ko" sa Radyo Pilipino, kauna-unahang beses sa loob ng tatlong taon mula nang angkinin ng Cory opposition ang awit. Sabi ng isang nakarinig: "Nangilabot ang mga gulugod namin. Mahirap maniwala na ang awit na ito ng oposisyon na dating bawal patugtugin sa radyo ay pinapatugtog ngayon sa dating DWIM." (IM as in Imelda Marcos)

Bandang 4:30 ng hapon, sa tahanan ni dating Speaker Jose B. Laurel sa Mandaluyong, nilagdaan ng mga Mambabatas, oposisyon at ilang KBL, at iba pang pangunahing oposisyonista ng rehimeng Marcos ang proklamasyon ni Corazon Aquino at ni dating Senador Salvador Laurel bilang Presidente at Bise-Presidente alinsunod sa resulta ng February 7 snap elections kung hindi nandaya si Marcos. Pagkatapos ay pormal na itinatag ang gobyernong kanilang pamumunuan. Nagkasundo ang mga Mambabatas na dapat unahing punuan ang mga puwesto ng prime minister at ng ministers of finance, defense, at foreign affairs.

Alas-kuwatro y medya (4:30) rin ng hapon sa Malakanyang. Humihirit pa sina Ver at Ramas, maglulunsad daw sila ng "suicide assault" laban sa rebeldeng kampo. Ipinaghanda na naman si Tadiar ng isang Marine battalion na sasama sa mga elemento ng Army na sasalakay sa Crame. Ngunit tila nadalâ na si Tadiar. Matapos silang magkaalaman ng niloloob ng karamihan ng kanyang mga staff officer at mga unit commander, nagkaisa ang Marines na hindi na sila lalahok sa offensive military operations na mauuwi lang tiyak sa pagpatay o pananakit ng mga taong inosente. Lalahok lang sila sa defensive operations kaugnay ng pagtatanggol sa Presidente.

Sa Fort Bonifacio, ganoon din ang napagkaisahan ni Brawner at ng Scout Rangers. Nang ayaw isagawa ng Rangers ang isang misyon na inuutos ni Marcos (hindi maliwanag kung anong misyon ito), pinatawag ni Brawner ang Ranger officers at inamin na siya rin ay nagpasiya nang suwayin ang mission order. Ngunit, aniya, hindi ito dapat malaman ng ibang mga unit dahil baka mapahamak ang Rangers. Ipaliwanag na lang daw ng mga officer sa kanilang mga tauhan ang sitwasyon.

Sa EDSA, manghang-mangha si General Cruz: "Ang pakiramdam ko, may nangyayaring milagro. Mga sundalong hindi nagpapaputok, kahit may order. 'Yung asawa ko mismo at mga anak, nasa EDSA at nagsasaya. At ang panahon, napakaganda, malamig-lamig buong apat na araw."

"Nasa EDSA ang mga anak ko at mga apong malaki-laki na," kuwento ni Mike Marabut. "Hindi sila parating magkakasama noong tatlong araw na iyon; kanya-kanya silang uwi para mananghalian o maghapunan, 'tapos kanya-kanyang balik sa highway. Natakot ba kami? Oo. Lumabas ito sa pag-uusap namin. Anong gagawin namin kung may magpaputok mula sa eroplano? O kung gumamit ng teargas ang kaaway? Paano kung mag-panic ang mga tao? Tinuruan namin ang isa't isa. Mas maigi kung mas malapit ka sa bakod. Dumapa sa lupa kung may putukan. Parating magdala ng panyo o tuwalya, kung puwede, iyong basâ, panlaban sa teargas. Manatiling mahinahon.

Bandang 5:00 ng hapon, nagpakita sa wakas sa EDSA/Ortigas si Cory Aquino, na Sabado pa ay hinahanap na ng mga Coryista. Sa main entrance ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) building, sa kanto ng EDSA at Ortigas, siya dumaan kasama ang kanyang pamilya at mga tagapagtaguyod.

Ayon kay Joker Arroyo: "Noong una, ang plano ni Cory ay sa Luneta magpunta at doon tawagin ang mga Coryista upang patunayan sa rebeldeng militar na siya, at hindi sina Enrile at Ramos, ang may popular support. Subalit nakumbinsi siya na mas mabuti kung sa EDSA siya magpakita sapagkat kung papupuntahin ang mga tao sa Luneta, mawawalan ng depensa ang Crame, na hawak na ng mga tao."

May katwiran si Cory na naising mag-rally sa Luneta ­ mahalagang linawin kung sino ba talaga ang sinusuportahan ng mga tao, siya o si Enrile. Kung hiniling ni Cory, maaari nga na iniwan ng mga Coryista ang Crame. Ngunit posible rin na nahati lamang ang mga tao at nabigyan si Marcos ng panibagong puwang upang banatan (o suyuin) ang rebeldeng militar.

"Sinabi ko sa Radyo Veritas na pupunta ako sa EDSA, pero hindi ko sinabi kung anong oras, for security reasons. Sa POEA ako nagpakita sapagkat para kay Peping at sa security ko, doon ang pinakamabuti at pinakaligtas."
Sa kanyang talumpati sa mga taong nagtipon sa kantong iyon ng Ortigas at EDSA, pinuri ni Cory ang mapayapang pagkilos ng mga tao at nangako siyang magpapatuloy ito. "Matapang nating nabawi ang ating kalayaan, mga karapatan, at kadakilaan, salamat sa Diyos, na halos walang umaagos na dugo. Nakikiusap ako sa inyo na panatilihin ang diwa ng kapayapaan, at maging matatag at mahabagin habang tinatanggal natin ang mga bakas ng paniniil. Ngayong nanalo na tayo, huwag tayong bumabâ at pumantay sa masasamang loob ng mga natalo. Madalas kong nasasabi na kaya kong maging mapagbigay sa harap ng tagumpay. Tama na ang poot, tama na ang tunggalian. Nakikiusap ako sa lahat ng Pilipino sa magkabilang panig ng kilusan ­ ito na ang oras ng kapayapaan, panahon ng paghihilom."

Sandali lang si Cory sa EDSA, mga kinse o bente minutos lang, dahil inaalala ni Peping ang security niya. "Kung may mangyari sa akin doon, malaking sakuna. Handa akong gawin ang nararapat, pero sabi nila, mas importanteng manatili akong buháy. Hanggang ngayon nga, hindi naniniwala si Johnny Ponce Enrile na nakarating ako sa EDSA. Pero madaming mga pari at madreng nakakita sa akin, kinanta ko pa ang 'Ama Namin'."

Alas-sais (6:00) ng hapon sa Maynila (umaga sa White House), ginising ni Admiral Poindexter si Reagan at ipinaalám sa Presidente ang tungkol sa suicide attack na binabalak ni Ver laban sa Crame. Saka lang pumayag si Reagan na pagbitiwin na sa tungkulin si Marcos.

Samantala, 6:00 din ng hapon sa People's TV 4, tampok ang presscon nina Enrile at Ramos sa Camp Crame. Inihayag ng dalawang bandido na halos lahat ng sundalo ay sumama na sa Bagong Hukbong Santadahan. Sumunod daw sa Strike Wing ni Sotelo ang buong Naval Force ni Commodore Tagumpay Jardiniano, ang buong 5th Fighter Wing na nasa Basa Air Base sa Pampanga, at ang Clark Air Base Command. Halos wala nang air at naval power ang mga loyalista.

Sa Fort Bonifacio, patuloy ang pagsisikap ng mga heneral ni Marcos na makabuo ng istratehiyang uubra kontra sa Crame. Sa pinakabagong plano, mga elemento ng Marines at 42nd Infantry Battalion ang gagamitin. Galing Bonifacio, ang ruta nila ay Nagtahan-Greenhills-Santolan. Kayâ lang, ayon sa isang reconnaissance team, daan-daang libong tao ang nakabarikada sa mga daang iyon at hindi maiiwasang makasakit ng mga sibilyan. Nang itanong nina Ramas at Oropesa kay Abadia kung ano ang dapat nilang gawin, ipinayo ni Abadia na ipaalám nila kay Marcos na hindi maisasagawa ang plano.

"Maraming armas ang kaaway pero dahil naiba 'yung sitwasyon sa inaasahan o nakasanayan nila, hindi agad sila nakatugon," ani Ramos. "De kahon kasi sila kung mag-isip kayâ nahirapan silang umakma sa sitwasyon. Kami naman dito, nasanay kami sa sitwasyon naming pabago-bago; naging mabilis kaming mag-isip, magplano, at kumilos."
Noong hapon ding iyon, nagbitiw si Roman Cruz Jr., chairman ng Philippine Air Lines. Sa Camp Crame dinala ni Martin Bonoan, executive vice-president ng PAL, ang liham ng pagbibitiw ni Cruz na kay Presidente Corazon C. Aquino naka-address. May isa pang sulat si Cruz para kay Presidente Marcos. Idinahilan niya sa kanyang pagbibitiw ang naging palakad sa huling halalan. Kung tutuusin, si Cruz ang kauna-unahang Marcos official na kumilala kay Cory bilang Presidente kahit hindi pa ito nanunumpa.

Hindi natupad ang gusto ni Cory na makapanumpa noong Lunes na iyon, natagalan kasi bago nabuo ng mga abogado ng LABAN ang kanyang oath of office. "Ang tanong kasi," ani Cory, "kung kanino ako susumpa ng katapatan. Sa huli, nagkasundo sila na susumpa ako sa Saligang Batas."

Ayon kay Joker, isinaalang-alang din ng mga abogado ang payo ng ibang opposition leaders na idiing mabuti ang karapatan ni Cory na maging Presidente upang kilalanin agad siya 'di lamang ng bansang Pilipino kundi ng mga taga-ibang bansa. "Kung tutuusin," sabi ni Joker, "inagaw ni Cory ang kapangyarihan ­ it was a naked grab for power. Nasa Malakanyang pa rin si Marcos noon, at kahit hindi na siya nasusunod, siya pa rin ang kinikilala ng buong mundo bilang Presidente ng Pilipinas. Isa pa, hindi naman si Cory ang nagtawág ng rebolusyon kundi sina JPE at FVR."
Ang pahiwatig ni Arroyo, higit ang karapatan nina Enrile at Ramos sa kapangyarihan ng Presidente sapagkat sila ang nagtawág ng rebolusyon. Ang tanong ko: aling rebolusyon? Iyong naganap sa EDSA na nagpatalsik kay Marcos? Pero si Butz Aquino at si Jaime Cardinal Sin, sa ngalan ni Cory, ang nagtawag ng mga tao sa EDSA, sumegundo na lang ang rebeldeng militar. Kung talagang tutuusin, si Cory ang nagtawág ng rebolusyon noong ika-16 ng Pebrero nang kanyang inilunsad ang civil disobedience campaign, kampanyang boykot na sinakyan ng taong-bayan at totoong nagpakaba sa crony capitalists, unang-una na siguro si Enrile.

"Noong makabalik kami galing sa POEA, saka lamang natapos ang pagsulat ng oath of office ko. Pero dahil madilim na, ipinagpabukas ko na lang ang inagurasyon. Ayaw ko kasing malagay sa panganib ang mga tao."

Takipsilim sa EDSA. Daan-daang libong tao ang nagliliwaliw, paroon at parito, bukod sa malalaking kumpulan na nakapirmi kung saan-saan. Sa harap ng gate ng Crame, naka-megaphone si Fr. Frederick Fermin, OP, dating rector ng University of Sto. Tomas (UST), nagsasalita sa isang grupong UST na nakaupo sa isang puwang na binakuran nila ng lubid. "Suwerte tayo na si G. Marcos ay hindi alumnus ng UST," sabi niya. Kanya-kanya ring umpukan ang taga-ibang unibersidad (Ateneo Law, San Beda College, Maryknoll Sisters, atbp.). Sa gitna ng siksikan at sikuhan, may grupo ng mga taong nakatingala, pikit-mata at bukas-palad, kinakanta ang "Ama Namin." Sa kalayuan, may mga batang nagtititili dahil nakitang magkakasama sina Ricky Davao, Jay Ilagan, Gina Alajar, at Amy Austria. Sa ibayo, may pamilyang binakuran ng lubid ang isang puwang sa daan at tinoldahan ang dala nilang cooler, kalan, at bangkô. Landgrabbing! Pero walang umangal. Lahat ay magiliw at matulungin. Hanggang dumating ang gabi, nang napawi ang kasiyahan at naging seryoso at tahimik ang mga tao, dumalang ang mga ngiti, bumilis ang pagbusisi ng mga daliri sa mga butil ng rosaryo. Sa mga oras na iyon, hindi relihiyon kundi pananalig ang namamayani.
"Pabalik-balik ako sa EDSA at Alabang," kuwento ni Joe Alejandro. "Ibang klase 'yung mga tao sa EDSA. Napakaayos. Lahat ay sumusunod sa mga utos. Lahat din ay nagkukusang-loob at nagpapasimuno. Sa gitna ng kaguluhan, kung papasok ka na dala ang kotse mo, padadaanin ka ng mga tao. Pero 'pag nakitaan ka ng kutsilyo, talsik ka. Ganoon kaligtas sa panganib."

"Buong apat na araw, walang nag-report na may nadukutan o nabugbog, walang anumang insidente na hindi maganda," tanda ni Cruz.

"Makikita mo na nagkaisa ang mga Pilipino noong apat na araw na 'yon," ani Baby Arenas. "Kaya nating maging mabait at maka-Diyos. Lahat ay nangongomunyon, nananalangin. Nakakaiyak pati 'yung nakikita mo ang mga lalaki na nagdadasal din at umaawit."

Alas-siyete y medya (7:30) ng gabi, pormal na kinilala ng Amerika sa wakas ang poder ni Cory, sabay talikod kay Marcos: "Nababahala kami sa mga report na maaaring salakayin ng mga puwersang tapat kay General Ver ang mga elemento na sumusuporta kina General Ramos at Minister Enrile. Nakikiusap kami na magtigil ang mga puwersang ito na nagbabalak pang kumilos. Nangako si Presidente Marcos na pipigilan niya ang paggamit ng dahas, at nakikiusap kami sa kanya, sa mga taong tapat sa kanya, at sa lahat ng Pilipino na ipagpatuloy ang kaayusan. Huwag nang tangkaing pahabain pa ang taning ng kasalukuyang rehimen sa pamamagitan ng dahas sapagkat mabibigo lamang ito. Malulutas lang ang krisis kung magiging mapayapa ang pagbabago ng gobyerno."

Nagngingitngit si Marcos habang kausap si Ople sa telepono. Inagaw na nga sa kanya ang Channel 4 at pinagbabantaan na ang Palasyo, bakit pinagbabawalan pa rin siya ng Amerika na lumaban!

Gumawa ng paraan si retired Brigadier General Pacifico Lopez de Leon na maipalabas ang Presidente sa Channel 9. Ayon sa isang aide, ayaw nang makipag-usap ni Marcos sa press; ayaw niyang makita ng media na walang katao-tao sa Palasyo.

Tatlong istasyon ng TV ­ Channels 2, 9, at 13 ­ ang nag-phone patch kay Marcos mula sa Malakanyang. Sa simula, ini-interbyu ng tatlong panelista si Marcos ngunit mga boses lang nila ang naririnig ng publiko; ang nakikita sa TV screen ay mga litrato ni Marcos noong pogi pa siya. Nagduda tuloy ang mga manonood (at may tumawag para itanong) kung boses talaga ni Marcos ang naririnig nila.

Agad itinanggi ni Marcos na boses ni Willie Nepomuceno (isang komedyanteng magaling gagaya sa kanya) ang nagsasalita. Ani Marcos, susukot-sukot ang pamilya niya sa takot sanhi ng mga banta sa Palasyo. Sumumpa siyang ipagtatanggol niya ang Malakanyang hanggang maubos ang kanyang dugo at malagot ang kanyang hininga. Wala raw siyang balak magbitiw o mangibang-bansa.

Alas-ocho diyes (8:10) na ng gabi noong naipakita si Marcos, live, sa TV screen. Nasa Malakanyang siya, kasama sina Imelda, Bongbong, Imee, at ang mga apo. "Kaming lahat ay nakahanda para sa ano mang pangyayari," sabi ni Marcos habang dumadaan ang camera kay Bongbong na naka-fatigues pa rin; sundalo kunó. Nanawagan ang Presidente sa kanyang mga tapat na kaanib na magreport sa barikada ng Mendiola Street at magpalista, nang sa gayon ay maisyuhan sila ng armas. O kaya ay tawagan daw siya sa telepono o dumalo kinabukasan sa kanyang inagurasyon. Inulit niya na dahil sa umiiral na state of emergency, maaaring higpitan ng gobyerno ang brodkast media. Nakiusap siya na sa Presidente lamang, sa kanya lamang, susunod ang mga tao sapagkat siya ang Awtoridad na kinikilala ng Konstitusyon. Tinuligsa niya sina Enrile at Ramos na ibig lang daw agawan ng kapangyarihan sina Cory at Doy. Sumasakay lang daw sina Ramos at Enrile sa popularidad ni Aquino; ang totoo ay gagamitin lang nila si Aquino. "Nananawagan ako sa taong-bayan na huwag maniwala sa ikatlong puwersang ito na ilegál at imorál." Malinaw kay Marcos ang motibo ng bandidong militar at tila binabalaan niya si Cory na huwag makipagkasundo sa dalawa.

Agad kinontra ng rebeldeng militar ang pahayag ni Marcos. Lumabas si Enrile sa Channel 4 at sinabing huwag pansinin ng taong-bayan si Marcos dahil ito ay "ilegál na presidente." Ani Ramos, "Tiniyak namin na nangibabaw kami sa propaganda war."

Patapós na ang palabas ni Marcos sa TV nang itanong ng isang panelista, si Ruther Batuigas, kung magpapataw si Marcos ng curfew. Sagot ni Marcos, "Nabanggit mo na rin lang, ngayon din ay nagpapataw ako ng curfew sa buong bansa mula alas-sais ng gabi hanggang alas-sais ng umaga."

Sa Wack Wack subdivision, bahay ng kapatid ni Cory, kapulong nina Cory at Doy ang pangulo ng LABAN na si Jovito Salonga, ang mga tagapagsalita ni Cory na sina Rene Saguisag at Teddy Locsin Jr., at ang tagapayo niyang negosyante na si Jaime Ongpin. Tinalakay ng grupo ang mga nominasyon sa Cabinet. Naging mabagal ang kanilang pagwawari-wari. Ang napagkasunduan lang nila noong gabing iyon ay ang mga appointment ni Laurel bilang Prime Minister, ni Enrile bilang Defense Minister, at ni Ramos bilang AFP Chief of Staff.

Samantala, may bagong problema si Cory sa rebeldeng militar. Ang gusto nina Enrile, sa multi-purpose hall ng Camp Crame idaos ang inagurasyon at hindi sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan. Magkakaroon daw kasi ng problema sa security kung lalabas sina Enrile ng Crame. "Iisang kilometro ang layo ng Club Filipino sa teritoryo ng kaaway. Abót iyon ng mortar, na hindi namin kayang pigilin o harangin. Halos imposibleng i-secure iyong lugar. Kung security o kaligtasan ang iisipin, mas mabuti sa Camp Crame. Puwede naming ilipad si Cory sa Crame, lulan ng civilian chopper," sabi ng mga repormista.

Paliwanag ni Cory, "Tulad ng bawat political detainee noong panahon ng martial law, sa Camp Crame unang dinala si Ninoy noong damputin siya ng militar. Matindi ang takot ng maraming Pilipino na madampot at madala sa Camp Crame. Masasabing lupa iyon ng bayani ngayon, pero totoo pa rin na maraming naganap doon na torture, execution, at summary detention. Bukod d'yan, nasabi ko na sa taong-bayan na darating ako sa Club Filipino, at tutupad ako sa aking pangako. Pinili ko ang Club sapagkat neutral ito at bukas sa publiko. Isa pa, hindi n'yo ako mapapasakay sa helicopter."

Inamin ni Ramos na, "Naturál, gusto ng ilan sa amin na sa Crame itanghal ang inagurasyon dahil doon nangyari ang aksiyon. Pero gusto ng iba ay sa Club Filipino." Buong gabi at magdamag, nangulit daw ang mga tagapagsalitang heneral ng dalawang bandido. Maaaring huling hirit, o suntok sa buwan, ngunit malinaw na hindi bigay-todo kay Cory ang Bagong AFP.

Sa Palasyo ng Malakanyang, tila buo pa rin ang loob ng "matandang leon ng Batac" na manindigan, kahit may sakit at labis na naghihinanakit. Tulad ng mga kaaway niya sa Camp Crame, handa siyang magmatigas hanggang sa mapait na wakas.

Lunes ng gabi pa lamang, pinasundo na ni Marcos ang Chief Justice ng Supreme Court para sa inagurasyon kinabukasan. Kasabay maghapunan ni Chief Justice Ramon Aquino at ng anak niyang lalaki ang mag-aasawang Manotoc at Araneta. Nagkuwento si Imee tungkol sa Metro Pop. Si Irene naman ay nagplanong lumabas, kasama ng mga kaibigan niyang mahilig sa classical music. Nandoon din si Bongbong na "feel na feel" daw ang get-up niyang fatigues. Inabot sila ng 11:00 sa pagkukuwentuhan. Tila raw ang mga manugang lang ni Marcos ang nababahala sa sitwasyon. Isang malaking kuta ang palasyo; kung saan-saan, pati sa mga pasilyo, natutulog ang mga sundalo.

Sa Army Conference Room, inihain ni Josephus Ramas ang panukalang mortar attack sa Crame mula Rosario Bridge sa Pasig. Hindi inaprub ni Abadia ang panukala, gayon din ang mungkahi ni Palafox na pasugurin ang 54th Infantry sa Camp Aguinaldo. Wala nang bagong plano na naiparating kay Marcos.

May curfew daw, pero ang mga taong nagliliwaliw sa downtown Manila, gayon din sa fleshpots sa tourist belt ng Malate, ay kasing dami ng taong-bayan na nagbabarikada sa EDSA at Santolan at Ortigas, bukod pa sa mga militanteng aktibista na nasa sektor ng San Rafael at Mendiola, Legarda at Sta. Mesa.

"Sa lahat ng curfew, iyon ang sinuway ng buong sigla," kuwento ni James Fenton. "Ito iyong klaseng curfew na nagkampo ang mga tao sa kalye. Mas maraming tao sa labas noong gabing iyon kaysa ibang gabi ng rebolusyon."

"Paminsan-minsan, umuuwi kami," kuwento ni Baby Arenas. "Noong unang beses, nakiusap kami sa mga rebelde at sa mga loyalista na padaanin kami dahil may sanggol kami sa likod. Kayâ ang anak kong lalaki ang tumulong na makauwi kami. Pagbalik namin, sabi namin kailangang bumalik ang baby dahil nandoon ang mga kapatid niya at kamag-anak sa loob. Ang babait nila; walang bastos."

Sa bagong Channel 4, nagpúputók ang butse ng aktibistang si Behn Cervantes. "Maraming sundalo ang nagtatanod. Nakaamoy ng oportunidad ang sangkatutak na mga taga-media, payaso at miron. Magkakaroon ng mga bagong programa, mga bagong boss, mga bagong pagkakataon. Iisang araw pa lang, may lumilitaw nang mga bagong Ronnie at Rita. Pero pinakagrabe ang mga nagpapanggap na Tita Mary (ang censors chief ni Marcos). Dahil mapagpatawad ako at tinatanggap ko na ang tao ay survivor, hindi ko na lang papansinin itong mga artista na beterano sa intriga. Gayunman, nang sabihan ako na kailangang aprubahan ng isang Johnny-come-lately ang pormal na pahayag ng organisasyon ko, hindi ako pumayag! No way! Noong ipataw ang martial law at nauso ang censorship, hindi ako nagpaawat. Sinong Johnny ito na may karapatang mag-aprub o disaprub? Up yours! Binasa ko pa rin ang pahayag. Maliit ang studio, lalo na ang executive office sa itaas. Hindi lahat ng nagpapanggap na amo ay mabibigyan ng puwesto. 'Di magtatagal, magsisipagbanggaan sila at mátitirá ang matitibay. Heto na naman tayo!"

Hindi nakarating sa loob ng Channel 4 ang diwa ng pagkakaisa na namayani sa mga kalsada sa labas. Sa EDSA, malayang nagtulungan at nagsama sa mga barikada ang Kaliwa at Kanan. Sa PTV 4, ipinagbawal ng Kanan na makiulat at makipagpalitan ng kurukuro ang Kaliwa tungkol sa nagaganap na "himala." Bale-wala kina Enrile at Ramos kung umeksena ang mga komunista sa EDSA at nakipagkapit-bisig sa mga burgis na Coryista upang ipagtanggol sila kay Marcos. Ang importante sa rebeldeng militar ay ang patuloy nilang maprotektahan ang naghaharing kaayusan ng lipunan na pabor sa Kanan. Sa nangyaring censorship, tinabunan ng propaganda, katuwaan, at tawanan ang mga tanong na gumugulo sa isip ng mga tao ­ paano ba daw dapat pakikitunguhan ang mga loyalista't balimbing? Paano mapapanatili at mapapag-ibayo ang natamong kalayaan at pagkakaisa? Mga tanong na walang sumagot.

Malalim na ang gabi. Sa kanyang hotel, nanonood ng Channel 4 si James Fenton. Ibinabalita nina Enrile at Ramos ang bagong defections sa Crame. May dumating sa studio ng mga sundalong nagde-defect. Isa-isa silang nagbigay ng pangalan, ranggo, at class year. Puro mga taga-Philippine Military Academy. Bumaliktad na ang PMA!
 

CONTENTS
Panimula
Introduction
Sabado
Linggo
Lunes
NEXT: Martes

Huling Hirit
Ang Pagtatakip sa Edsa