|May nagsasabi na 1965 pa lang kahahalal si Marcos bilang
Presidente nang simulang paghandaan ni Marcos ang pagpataw
ng batas militar. In-appoint ang sarili na Secretary of National
Defense, pinagkagastusan at pinakapal ang hanay ng hukbong militar,
pinapag-aral ang mga sundalo't opisyal tungkol sa civilian affairs
at ikinatulong sa mga socio-economic program ng kanyang pamahalaan.
May nagsasabi naman na 1967 pa, noong nahalal sa Senado ang popular
na pulitikong si Ninoy Aquino, niño bonito ng alta sociedad
na umiisnab sa asawa ni Marcos na si Imelda Romualdez. Kauupo
lang sa Senado ay binanatan na agad ni Ninoy ang Presidente
balak daw ni Marcos na gawing "garrison state" ang
Pilipinas. Halatang minamata rin ni Ninoy ang Malakanyang at
tila nahamon daw si Marcos na biguin si Ninoy.
Pero may nagsasabi rin na 1969 na, noong nahalal muling Presidente
si Marcos (kauna-unahan sa kasaysayan ng republika) ngunit ginegyera
naman ang gobyerno niya ng dalawang armadong pangkat na rebolusyonista
sa Luzon, ng New People's Army (NPA), hukbong armado ng
Communist Party of the Philippines (CPP) ni Jose Ma. Sison na
hangad mapalaya ang bayan sa kolonyalismo, pyudalismo, at kapitalismo;
at sa Mindanao, ng Moro National Liberation Front (MNLF) ni Nur
Misuari na hangad mapalaya ang Muslim Mindanao sa Kristiyanong
Pilipinas. Sa Maynila, nagsiklab noong Enero 1970 ang First Quarter
Storm, sunod-sunod na madudugong protesta ng mga militanteng
estudyante, manggagawa, at magsasaka sa mga patakaran ni Marcos.
Agosto 1971 dalawang granada ang sumabog sa Plaza Miranda habang
nagra-rally ang oposisyon; lubhang nasugatan sina Senador Gerardo
Roxas at Jovito Salonga. Sinisi ni Marcos ang mga komunista at
sinuspénd ang writ of habeas corpus kahit
sino ay puwedeng damputin ng militar; di na kailangang patunayan
sa husgado na may krimen na naganap. Pinagbintangan din ni Marcos
si Aquino ng pag-aarmas sa NPA.
Ano't ano man, maliwanag na hindi biglaan ang pagdeklara ni Marcos
ng batas militar noong 1972 kundi matagal at masusi niya itong
pinaghandaan; nakuha pa nga niyang magpa-draft sa 1971 Constitutional
Convention ng bagong Saligang Batas na parliamentary ang sistema
ng gobyerno at pinapayagan siyang kumandidato pa uli at maupong
Presidente habang-buhay.
Ika-21 ng Septyembre 1972 nang pirmahan ni Marcos ang Proclamation
1081 na nagbigay sa kanya ng kapangyarihang isailalim ang buong
kapuluan sa batas militar upang ang bansa ay hindi mapasakamay
ng mga subersibo't rebelde. Pero hindi niya agad ipinatupad ang
1081, marahil sapagka't tahimik noon ang Maynila at mahirap mapaniwala
ang publiko na mayroong state of emergency. Kinailangan pang
mag-drama ni Marcos at naganap ito kinabukasan, ika-22 ng gabi,
nang in-ambush diumano at tinatadtad ng bala ang sasakyan ng
kanyang Defense Minister na si Juan Ponce Enrile. Mabuti na lang
daw at nagkátaóng sa ibang kotse nakasakay si Enrile,
kanang-kamay niya na nag-draft ng 1081. Oras na nabalita ang
ambush noong gabi ring iyon sa government TV Channel 4, natanggap
ni Enrile ang go-signal ni Marcos. Ora mismo, kumilos ang militar.
Isinara lahat ng himpilan ng diyaryo, radyo, at telebisyon, sabay
dakip sa pinakamatitinding kaaway ni Marcos sa pulitika at media.
Number one sa listahan si Ninoy. Kasasabi ng Senador sa isang
interbyu ng Daily Express (peryodiko ni Marcos) na kung
magdedeklara ng batas militar si Marcos, dapat ay dakpin siya
agad sapagkat kung hindi, mahirap na siyang mahuli; hindi lang
malinaw kung saan binalak tumakbo ni Ninoy kung sakali
sa Amerika o sa bundok. Nasa Manila Hilton siya noong gabing
iyon, sa meeting ng isang legislative committee. Sunod-sunod
ang tawag sa telepono ng mga kaibigan niya sa loob at labas ng
kampo ni Marcos, binabalaan siya, binibigyan ng pagkakataong
makatakas. Hindi tumakbo si Ninoy. Nang dakpin ng mga sundalo,
kalilipas ng hatinggabi, tahimik siyang sumama sa Camp Crame,
sa headquarters ni General Fidel Ramos, hepe ng Philippine Constabulary
(PC), na siyang nangasiwa sa pagdakip sa unang 400 (sa listahan
ng mahigit 5,000) na mga pulitiko, aktibista, at peryodista na
mga subersibo raw.
Akala ni Ninoy, mag-aalma ang taong-bayan, hindi papayag sa curfew,
pagsara sa Konggreso, at pagbusal sa media. Akala niya, maglalabasan
ang mga tao sa kalye at magpo-protesta upang mapabalik agad ang
demokrasya at mapalaya siya sa kulungan. Subalit nakakulong,
tulad niya, halos lahat ng aktibista't oposisyonista na dating
laman ng mga kalye. Kung may nakalusot man sa lambat ng militar,
namundok na, sumama na sa NPA, o nasa Amerika na. Ang mga naiwan
ay nagsawalang-kibo. Sa isang bandá, dalá ng takot
sa diktador at sa abusadong militar; sa kabilang bandá,
dalá ng matinik na propaganda machine ni Marcos na napaniwala
ang madla sa pangako ng Bagong Lipunan, lalo na sa pangakong
land reform.
Umasa ang bayan na magpapakabayani si Marcos at tototohanin ang
pangako niyang demokratikong reporma. Umasa ang bayan na gagamitin
ni Marcos ang pagkakataon na magsimula muli, sugpuin ang graft
and corruption, kumalas sa dominasyon ng Amerika, isaayos ang
ekonomiya, at paigihin ang kabuhayan ng dumaraming mahihirap.
Kayang-kaya niyang gawin noon kahit anong gusto niya mga
batas na sulat niya ang nasusunod; mga tao niya ang nakaupo sa
matataas ng posisyon sa militar at sa hukuman; may krebilidad
ang mga intelektuwal at kulturado na propagandista niya't tagapagsalita;
abot hanggang baranggay ang political machinery niya; pati mga
Kano ay nakaalalay sa kanya alang-alang sa pananatili ng US military
bases sa Pampanga at Olongapo. Kayang-kaya ni Marcos noon na
baguhin, baligtarin, gawing makatarungan ang kaayusang pang-ekonomiya
ng bayan. Ngunit sinamang-palad ang Pilipinas.
Sa halip na magpakabayani ay nagpakabalasubas si Marcos. Ipinagpatuloy
lang niya ang nakasalang nang sistemang pang-ekonomiya na nakasandal
sa Amerika at sa dayuhang kapital, kahit malinaw na ito mismo
ang ugat ng paghihirap ng bayan. Patuloy niyang pinabayaan ang
agrikultura kahit ito ang ikinabubuhay ng nakararaming Pilipino.
Tinutukan nga niya ang pagpapatayo ng mga industriya, ngunit
mga import-dependent at export-oriented naman. Naniwala siya
sa pangako ng International Monetary Fund (IMF) at ng economic
technocrats sa Cabinet na magti-trickle down ang mga benepisyo
ng industriyalisasyon sa kanayunan, lahat ay makikinabang, malulutas
ang problema ng karalitaan.
Natukso rin siya ng limpak-limpak na salaping alok na pautang
ng mga dayuhang bangko (na nalulunod sa oil money ng mga Arabo)
pampondo sa development projects. Milyon-milyong dolyares ang
pumasok sa mga bangko at gobyerno. Jackpot ang mga kamag-anak
at kaibigan ng mag-asawang Marcos na nakapuwesto sa pinakamalalaking
ahensiya at korporasyon, pribado at publiko, na may kinalaman
sa salapi at kalakalan, buwis, sugal, pautang, at lisensiya.
Kabig dito, kabig doon ng kickback at komisyon. Kupit dito, kupit
doon ng pangsustento sa "edifice complex" at iba pang
mga luho ni Imelda. Samantala, bahagya nang naipatupad ang reporma
sa rice and corn lands.
Enero ng 1973 pina-ratify kunó ni Marcos sa citizens'
assemblies ang bagong Saligang Batas. Abril 1973, nagkaisa sa
payong ng komunistang National Democratic Front ang mga grupong
militante, pink at pula, na sinimulan na uli ang pagkontra kay
Marcos. Samantala, biglang nawala si Ninoy sa kinapipiitan niya
sa Fort Bonifacio, inilipat kung saan nang walang pasabi kay
Cory. Nasariwa sa international news ang patuloy na paglabag
ng rehimeng Marcos sa human rights ng political detainees tulad
ni Ninoy. 'Di nagtagal ibinalik si Ninoy sa Fort Bonifacio galing
Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija. Isang buwan ng solitary
confinement, hubo't hubad sa isang kuwartong maliit na parating
may ilaw, ang tiniis ni Ninoy; mabuti't hindi siya nasiraan ng
loob at bait.
Agosto 1973, iniharap si Ninoy sa military tribunal sa mga salang
pagtataksil sa pamahalaan at pakikipagtulungan sa CPP/NPA, pakikipagsabwatan
kay NPA kumander Bernabe "Ka Dante" Buscayno sa isang
patayan noong 1957, at ilegal na pag-aari ng armas. Nagprotesta
si Aquino; ang turing niya sa paglilitis ay "unconscionable
mockery of justice." Aniya, matagal na siyang hinusgahan
ni Marcos at imposibleng maiba pa ang hatol ng korte militar.
Kung lalahok siya sa paglilitis, parang bumigay na rin siya kay
Marcos, parang tinanggap na rin niya ang awtoridad ng militar.
Sa kanyang talumpati sa military tribunal, sinabi ni Aquino na
mas gugustuhin niyang "mamatay na naninindigan kaysa mabuhay
na tiklop-tuhod" sa rehimen. Palakpakan ang mga taong nakapanood.
Na-suspend ang paglilitis nang isang taon at kalahati. Unti-unting
gumaan ang security kay Ninoy; pumayag ang jailer niyang si Enrile
na mas madalas ang bisita kay Ninoy ni Cory at ng mga anak nila't
kaibigan. Tape-recorded palang lahat ang dalaw sa bilanggo at
nabisto diumano ni Enrile na may sariling intelligence network
si Ninoy sa hanay mismo ng militar na patuloy na nagre-report
sa kanya. Nabalitaan agad ni Ninoy, halimbawa, ang pag-raid ng
military sa isang kumbento, ang paninitiktik nina Ver at Imelda
kay Enrile, gayon din ang pag-landing ng armas sa Mindanao galing
sa isang bansang Arabo para sa MNLF.
Noong Pebrero 1975, naiskandalo ang mundo nang tumakbo at nag-defect
sa America si Primitivo Mijares, news censor at kaututang-dila
ni Marcos. Hulyo, tumestigo si Mijares sa US Congress tungkol
sa kalunos-lunos na kalagayan ng bayang Pilipinas sa kamay ng
conjugal dictatorship at crony capitalists. Ngunit patay-malisya
ang mga Kano. Kahit alam nilang eksaherado ang ulat ni Marcos
tungkol sa bantang komunista (balita'y kulang-kulang na 1,500
lamang ang kadre ng NPA noong 1972) buong-buo ang suporta ng
mga Kano sa diktador.
Ika-31 ng Marso 1975 nang ipagpatuloy ng military tribunal ang
paglilitis kay Ninoy. Bilang protesta sa kalagayan niya at ng
bansa, nag-hunger strike ang dating Senador, na hindi agad pinansin
ni Marcos. Tuloy ang paglilitis; araw-araw ay sa-pilitang dinadala
si Ninoy sa korte. Pagkaraan ng isang buwan, nang itakbo si Ninoy
sa Veterans Memorial Hospital, mga 40 lbs. ang nabawas sa timbang
niya. Tila handa nang maging gulay o mamatay si Ninoy, suko na
siya kay Marcos, ngunit dahil sa mga pakiusap ng kanyang asawa,
ina, at father confessor, nakipagkompromiso si Ninoy sa Panginoon.
Kung masu-survive niya ang 40 araw ng pag-aayuno, ituturing niya
itong senyas na hindi pa niya oras, hindi pa siya tapos, may
drama pa siyang gagampanan.
Taong 1976 nang umpisang malasin ang kilusang komunista: nadakip
si Ka Dante. Noong 1977, si Sison naman. Gayunman, hindi nawalan
ng buhay ang kilusan, paano'y pahirap nang pahirap ang buhay.
Sa kanayunan, patuloy ang paghahari ng mga kapitalista't panginoong
maylupa at sobra ang pang-aabuso ng militar, pati sa mga pari't
madre at iba pang church and social workers. Diumano'y batid
ni Marcos na may problema siya sa militar, ngunit nang tangkain
niyang magpatalsik ng mga elementong 'di kanais-nais, nag-alma
daw at nagbantang magbitiw nang sabay-sabay ang mga heneral na
kakampí ni Enrile; tila may tatamaang junior officers
na mga batà ng Defense Minister. Maaaring noon nagsimula
ang paghihiwalay ng landas nina Enrile at Marcos, gayon din ng
pag-asenso at pagsikat ni Fabian Ver, Chief ng Presidential Security,
na pinsan at kababayan ng diktador. Subok ni Marcos ang katapatan
ni Ver, na PC captain nang na-assign sa security force niya sa
Senado noong 1963. Sa pamumuno ni Ver, lumaki nang katakot-takot
ang dating Presidential Security Unit; naging Battalion, at pagkatapos,
Command (PSC). Si Ver din ang director-general ng National Intelligence
and Security Authority (NISA) na hawak lahat ng intelligence
at security units ng rehimen. Walang limit ang kapangyarihan
ng NISA na dakpin at ikulong at pahirapan o patayin kahit sinumang
mapaghinalaan ng militar na subersibo o kaaway, alang-alang sa
"national security."
Samantala, hindi pa rin maawat si Imelda sa pagpapatayo ng mararangyang
bahay at gusali, sa pagho-host ng kung ano-anong magagarbong
international event, at sa pag-e-entertain ng kung sino-sinong
international figure. Panay na panay pa rin ang biyahe niya,
'di lang para mag-shopping, kundi para umeksena bilang ambassador
ni Marcos sa mga bansang komunista at makipagsosyalan kina Fidel
Castro at Mao Tse Tung (pinapakaba kunó ang mga Kano).
Hunyo 1975 nang pinirmahan ni Marcos ang Presidential Decree
No. 731, na nagsasabing kung mamamatay o mararatay siya, ang
papalit sa kanya ay isang komisyon na pangungunahan ni Imelda.
Sinundan niya ito ng mga decree na naglikha sa Metropolitan Manila
at nag-appoint kay Imelda na gobernadora.
Noong Oktubre 1976, pinatunayan ni Marcos sa pamamagitan ng referendum
na sinusuportahan pa rin siya ng taong-bayan. Ni-ratify diumano
ng nobenta porsyento (90%) ng mga botante ang mga bago niyang
amendment (P.D. 1033) sa Saligang Batas. Ayon sa Amendments 2
at 5, kahit may law-making powers ang itatatag na Interim Batasang
Pambansa, may legislative powers pa rin si Marcos hangga't umiiral
ang batas militar. Ayon naman sa Amendment 6, kahit wakasan niya
ang batas militar, hawak pa rin ni Marcos lahat ng kapangyarihang
hawak na niya, kabilang ang pag-overrule sa Batasan kung sa tingin
niya'y nararapat. Sa madaling salita, one-man rule pa rin.
Nobyembre 1976 nang nahalal na Presidente ng Estados Unidos si
Jimmy Carter, isang human-rights advocate. Sa kauna-unahang pagkakataon,
nakiusap ang White House na pakawalan na ni Marcos si Ninoy at
payagan itong mag-retire sa Amerika. Inisnab nina Marcos at Imelda
ang pakiusap, baka lang daw gawing bayani ni Carter si Ninoy.
Disyembre, naka-score na naman si Imelda. Napakiusapan niyang
gumitna si Muammar al Qaddafi sa giyera ng rehimeng Marcos at
ng MNLF sa Mindanao (balita'y 50,000 sibilyang Muslim na ang
napapatay) at napirmahan sa Libya ang Tripoli Agreement na nangako
ng awtonomiya sa 13 probinsiyang Muslim sa Mindanao, Sulu, at
Palawan. Samantala, patuloy ang paniniil ng rehimen sa mga alagad
ng simbahan. Nobyembre't Disyembre sa Davao, mahigit 70 church
workers ang naaresto at dalawang Catholic radio station ang isinara;
sa Maynila dalawang religious publication ang pinadlock at dalawang
pareng Kano na nagso-social work sa isang squatter area ang pinadeport.
Kahit anong paliwanag ni Jaime Cardinal Sin at ng Catholic Bishops
Conference of the Philippines (CBCP) na hindi kinakampihan ng
simbahan ang mga komunista tumutulong lang ang simbahan
sa mga taong api parang walang narinig si Marcos.
Noong 1977 tinangkang ituloy ng militar ang paglilitis kay Ninoy,
kahit hinihintay pa ang hatol ng Korte Suprema sa petisyon na
sa civilian court siya iharap. Ika-21 ng Hunyo, sinundo siya
ng helicopter at dinala kay Marcos sa Malakanyang. Nagchikahan
daw ang fraternity brods na parang magkaibigan. Halos aminin
daw ni Ninoy na kung siya man ay nalagay sa lugar ni Marcos,
gagawin din niya ang ginawa ni Marcos sa kanya. Nakiusap uli
si Ninoy na sa civilian court siya litisin. Tanong ni Marcos,
"Kung mako-convict ka, hihingi ka ba ng tawad?" Sagot
ni Ninoy, "Hindi, wala akong kasalanan." Tuloy ang
paglilitis. Ika-25 ng Nobyembre, nahatulang mamatay sa pamamagitan
ng firing squad sina Ninoy at Ka Dante sa mga salang paghihimagsik,
pagpatay, at ilegál na pag-aari ng armas. Nagprotesta
ang buong mundo. Umatras si Marcos, pinare-open ang trial, at
pinayagan si Ninoy na i-appeal ang kaso niya sa Korte Suprema.
Sa Mindanao, muling sumiklab ang labanan ng AFP at MNLF nang
atrasan din ni Marcos ang Tripoli Agreement: dalawang probinsiya
lang ang pinabigyan niya ng awtonomiya.
Ika-6 ng Abril 1978 nang unang nagparamdam ang puwersa ng taong-bayan
na nauwi sa People Power. May halalan kinabukasan para sa mga
mambabatas na uupo sa Interim Batasang Pambansa. Dahil nagda-drama
si Marcos sa international human-rights advocates na naibalik
na ang kalayaan ng mga Pilipino, pinayagan niya na tumakbong
mambabatas sa Kalakhang Maynila si Ninoy (na may bagong partido,
Lakas ng Bayan, o LABAN), katapat ni Imelda na kandidato ng Kilusang
Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos. Pinayagan din ni Marcos na lumabas
si Ninoy sa TV nang isang beses para sagutin ang bintang ni Enrile
na ahente siya ng mga komunista at gayon din ng CIA.
Mahigit limang taon nang nakakulong noon ang dating Senador,
bagay na nagpahanga sa maraming Pilipino na kontra rin sa diktadurya
ngunit kulang sa tapang at tibay. Natauhan sila (nagising sa
pagkagupiling, 'ika nga) nang sa kauna-unahang pagkakataon ay
nakita nila kung gaano ang ipinayat ng dating malusog na Ninoy.
Gayunman, tila lalong tumalas ang kanyang dilang matabil
madali niyang nakumbinsi ang madla na puro kasinungalingan ang
mga bintang ni Enrile at tila lalo pang nag-alab ang kanyang
diwang makabayan. Nabuhayan ng loob ang lihim niyang mga tagahanga.
Dahil nakakulong pa rin, pinaubaya ni Ninoy ang kampanya sa asawang
si Cory Cojuangco at sa bunso nilang si Kris na pitong taong
gulang. Ang iyak ni Kris sa mga rally: Tulungan niyong makauwi
ang Daddy ko! Nakakabingi ang naging sagot ng mga tao na patagong
nananalig kay Ninoy. Sa lilim ng gabi, alas-siyete ng bisperas
ng eleksiyon, naglabasan sila sa mga kalsada at buong tapang
na nakipag-noise barrage sa oposisyon. Taas ang mga kamay at
naka-L ang mga daliri, "Laban!" ang sigaw nila. Kalampagan
ng mga kawali, kaldero, sandok at palanggana, paingayan ng mga
busina at silbato, telembangan ang mga kampana, taghuyan ang
mga sirena, bahala na kung biglang dumating ang militar at pagdadamputin
sila. May ilang oras na umalingawngaw ang ingay, ang gulat tiyak
ni Marcos sa Malakanyang, ang sayá tiyak ni Ninoy sa piitan.
Si Imelda, naturál, ang nanalo sa Kalakhang Maynila. Pero
si Ninoy at ang marami niyang tagahanga ay nagkaunawaan na, na
hindi sila nag-iisa, hindi nagkakalimutan, sabik na makalaya,
at handang lumaban. Gayunman, limang taon pa ang dumaan bago
lumantad ang mga taong nag-noise barrage sa dilim.
Tulad ni Imelda sa Metro Manila, tumakbo at nanalo si Enrile
sa Cagayan. Nagsuspetsa si Ver na ngayong may political base
na si Enrile, nagbabalak itong tapatan si Marcos sa halalan sa
darating na taon. Tila napaniwala ni Ver si Marcos. Hindi nagtagal,
kinukuwestiyon na ni Marcos ang mga desisyon ni Enrile sa mga
isyung militar hanggang sa tanggalan niya ito ng kapangyarihan
at pamanmanan nang todo kay Ver. Samantala, patuloy ang asenso
ng Gobernadora ng Metro Manila. Matapos mahalal na Mambabatas,
o Member of Parliament (MP), in-appoint ni Marcos ang asawa na
Minister of Human Settlements. Pebrero 1979 nang ihirang naman
siyang chairperson ng Cabinet Committee na kokontrol sa economic
and social development ng Pilipinas sa pamamagitan ng BLISS (Bagong
Lipunan Site and Services) Program. Tutugunan daw ng BLISS ang
labing-isang pangangailangan ng tao: tubig, koryente, damit,
hanapbuhay, kalusugan, edukasyon, kultura, teknolohiya, ecological
balance, sports and recreation, shelter and mobility.
Ang problema, pahirap nang pahirap ang pag-utang sa mga dayuhang
bangko. Mula sa $2.6 billion noong 1975, naging $10.5 billion
na ang utang-panlabas o foreign debt. Mabuti na lang at nagkapirmahan
ng bagong Bases Agreement noong 1979; tila umubra ang gimik ng
mga Marcos na makipagsosyalan si Imelda kina Castro at Mao at
pakabahin ang Amerika. Sa kauna-unahang pagkakataon, pumayag
ang Amerika na magbayad ng rent, $500 million para sa susunod
na limang taon. Mayo ng 1979, nagdiwang ng ika-25 na anibersaryo
ang mag-asawang Marcos. Si Cardinal Sin, na "critical collaborator"
ang tawag sa sarili, ang nag-officiate sa renewal of marriage
vows. Hindi raw bulaklak ang hawak ni Imelda kundi isang rosaryong
diyamante na dalawang piye ang haba.
May sakit na noon si Marcos. Septyembre 1979 sinimulan ang pagsailalim
niya sa hemodialysis treatment panlaban sa renal dysfunction
(sakit sa bato) at hypertension (sakit sa puso). Taong 1980 idinaos
ang kauna-unahang halalan para sa mga gobernador at meyor; nagboykot
ang Liberal Party at ang LABAN dahil dadayain lang daw sila ng
KBL. Noong Mayo, inatake sa puso si Ninoy at nangailangan ng
heart surgery. Napilitan si Marcos na payagan itong magpa-opera
sa Amerika. Madilim na panahon iyon para sa taong-bayan na nananalig
kay Ninoy. Marami ang nawalan ng pag-asa; pakiramdam ay tinakasan
sila at pinagtaksilan. Pero iilang buwan ang nakakalipas ay muli
silang nabuhayan ng loob. Balita galing Amerika, nagbalik-pulitika
na raw si Ninoy, binabanatan na uli si Marcos, si Imelda, at
si Ver, at nagpapahiwatig na babalik siya. Ika-4 ng Agosto 1980,
sa isang talumpati sa New York, sinabi ni Ninoy sa Asia Society
na kung hindi wawakasan ni Marcos ang batas militar, pati siya
ay mapipilitang makibaka sa kilusang komunista, na lalong uunlad
pati sa mga siyudad. Noon naitanong ni Ninoy, "Nararapat
ba na mamatay ang isa para sa bayang Pilipino?" Oo ang sagot
niya, noon pa lang. Ngunit nahalal na Presidente noong Nobyembre
si Ronald Reagan, na kakampi ng mag-asawang Marcos. Natahimik
si Ninoy at iba pang mga oposisyonista na nasa Amerika. Dito
sa atin, lalo pang lumakas ang loob at ang kapangyarihan ni Ver.
Na-promote na koronel ang panganay niyang si Irwin, nilakdawan
ang maraming junior officer na next-in-line.
Taong 1981 nabulabog ang AFP. Hindi dahil tinapos kunó
ni Marcos ang batas militar para sa dalaw ni Pope John Paul II
noong Enero, kundi dahil nahalal na namang Presidente si Marcos
noong Hunyo at binalasa niya ang hanay ng opisyales ng militar.
Matapos i-retire si General Romeo Espino, in-appoint ni Marcos
si Ver, at hindi si Ramos na next-in-line, bilang AFP chief of
staff. Nainsulto at nakiramay kay Ramos ang maraming opisyal
ng AFP na alumni ng Philippine Military Academy (PMA); pakiramdam
nila'y walang karapatan si Ver na ROTC lang daw ang natapos,
samantalang si Ramos ay tapos sa West Point Academy sa Amerika.
Hindi nagtagal, nakatanggap daw ng report si Enrile na pinagbabantaan
ni Ver ang buhay niya. Bunga nito, lihim na nagkaisa ang security
forces nina Enrile at Ramos at bumuo ng isang kilusang ikarereporma
ng hukbong sandatahan, o Reform the Armed Forces Movement (RAM),
pakana nina Lieutenant Colonels Gregorio "Gringo" Honasan
at Eduardo Kapunan (mga batà ni Enrile) at Vic Batac (batà
ni Ramos) na magkakaklase sa PMA. Sinimulan nina Honasan ang
pag-iimbak ng armas at pagpaparami ng miyembro. Alam nilang mabangis
ang kaaway, at mabigat ang back-up ni Ver ang US Pentagon
at CIA mismo ang nag-upgrade sa telecommunications system ng
NISA. Hulyo 1981, sinuwerte na naman si Imelda, na-appoint na
Secretary-General ng Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran, o KKK,
isa pang programang pang-ekonomiya na walang ipinag-iba sa kasisimulang
BLISS Program. Sa kabundukan, may sampung libo (10,000) na raw
ang gerilya ng NPA.
|